Naghahanda na ang Philippine General Hospital sa paglulunsad ng isang programang tutulong sa mga pasyenteng may COVID-19 at magbibigay gabay kung paano haharapin ang sakit, kabilang na ang kung kailan kinakailangang dalhin sa ospital.
“Naisip namin, siguro makakatulong kung meron kaming paraan para makausap ang ating mga kababayan na may COVID-19, para ire-assure o kaya guide sila kung talaga bang dapat na silang maospital o pwede pa silang sa bahay lang magpagaling. Kung magawa namin 'yun, matutulungan namin ang mga ospital, at least sa amin sa PGH, para hindi na nila kailangang pumunta sa emergency room nakakadagdag sila sa bilang ng mga naghihintay doon at baka ma-expose pa sila,” ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng PGH.
Makakatulong din ang OPLAN: COVID-Gabay para malaman ng mga pasyente o mga nag-aalaga sa mga ito ang dapat gawin nang hindi naman maisugod sa ospital nang malubha na ang kalagayan.
Sa ngayon, nangangailangan pa sila ng mga volunteer para sa programa.
“Ang una naming ginawa, dahil ito ay pilot, iniimbitahan po muna namin ang mga doktor na grumadweyt sa UP College of Medicine at mga grumadweyt din po sa Philippine General Hospital, mga alumni namin para tulungan po kami. Ang plano para itong nasa call center, tatauhan mo 'yung telephone lines at may shifts, malaking bagay kung marami ang magbo-volunteer para hindi naman napapagod ang isang volunteer,” sabi ni Del Rosario.
Kanila munang uumpisahang manawagan sa mga doktor ng PGH at kapag napuno na ay saka nila bubuksan ito para sa ibang mga doktor.
“Official launch sa Lunes, meron na po kami kung tawagin Bayanihan Operations Center, 'yung hotline na 155-200, isang taon na po 'yun. Parang call center po 'yun, 'pag may concern ka sa COVID pwede mong i-dial 'yun may kakausap sa iyo. Pinapalawak lang namin at talagang tututukan namin 'yung COVID concerns, lalo na 'yung pwede naming alagaang pasyente sa bahay lang,” dagdag niya.
https://news.abs-cbn.com/news/04/09/21/pgh-maglulunsad-ng-programang-gagabay-sa-mga-may-covid-19
No comments:
Post a Comment