Friday, April 9, 2021

Face-to-face na pagpasa ng Pag-IBIG, GSIS requirements, suspendido muna

Nakuntento na lang si Irene Corpuz sa paghuhulog sa drop box ng kaniyang housing loan application sa Pag-IBIG Fund. 


Suspendido kasi ang face-to-face transaction sa Pag-IBIG dahil sa enhanced community quarantine sa National Capital Region (NCR) Plus. 


"Hindi mo alam kung mare-receive siya on time unlke pag sinubmit mo sa loob ng opisina nabibigyan ka ng confirmation na nare-receive ang dokumento," ani Corpuz. 


Bukod sa drop box system sa mga tanggapan ng Pag-IBIG Fund, maaari ring maghain ng loan application online. 


"Bukas din ang virtual Pag-IBIG. Through doon puwede kang mag- multi-purpose, application, calamity, salary at housing loan, dapat lang mayron na kayong cash card o loyalty plus card," ani Pag-IBIG Fund Spokesperson Atty. Kalin Franco-Garcia. 


Pero nilinaw ng Pag-IBIG Fund, pati na rin ng Government Service Insurance System (GSIS), na hindi porke't drop box lang ang sistema ay tatagal din ang proseso. 


Anila, may mga tauhan pa rin ng Pag-IBIG na aasikaso sa mga dokumento. Kukuhanin lang ang mga dokumento at isa-sanitize bago iproseso. 


"Parang business as usual po the next day makakatanggap po kayo ng tawag to inform you whether may discrepancy ang documents na iyong isa-submit," ani Franco-Garcia. 


Suspendido naman ang face-to-face transaction sa GSIS ngayong marami ang nagpositibo sa COVID-19. 


Pero puwede namang drop box o e-GSIS ang gamitin ng miyembro na tiyak umanong aaksiyunan ng GSIS staff. 


Abiso ng GSIS sa kanilang pensioners na gamitin ang social media at internet sa paggawa ng Annual Pensioners Information Revalidation. 


Kung ideklara ang modified ECQ sa susunod na linggo, mananatiling suspendido ang face-to-face transaction sa Social Security System at GSIS bukod sa e-card enrollment. 


Hihingi naman ng gabay sa pandemic task force ang Pag-IBIG Fund kung puwede nang buksan ang mga sangay sa Metro Manila at karatig-probinsiya. 


— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/09/21/face-to-face-pagpasa-pag-ibig-gsis-requirements-suspendido

No comments:

Post a Comment