Saturday, April 24, 2021

Pangangailangan para sa mga COVID-19 home care service tumataas

Pagkauwi ni Stephen Siblag sa kanilang bahay galing sa labas, agad siyang nagpapalit ng mga damit at nagdidisinfect ng mga dalang gamit.

 

Gusto ni Siblag na maprotektahan ang kaniyang pamilya at maghanda sakaling may tamaan sa kanila ng coronavirus disease (COVID-19.) 

 

Kaya sa kanilang bahay, nakahanda ang mga supply ng face mask at gloves, mga gamit sa paglilinis at disinfection, mga gamot para sa lagnat, ubo at sipon, pati na ang isolation room.


“Kailangan talaga may home care kit tayo sa bahay dahil ito ang magsisilbing maonitoring natin sa isa’t isa. We need to monitor ourselves and our family," ani Siblag.


Nananatili pa ring punuan sa mga ospital dahil sa dami ng mga pasyenteng may COVID-19, kaya tumaas ang demand para sa home care sa mga nagpopositibo.


Ang Home Care Program ng isang malaking ospital sa Pasig City, nasa 274 na pasyente na ang na-eenroll simula Marso 12. Hanggang 60 pasyente lang ang kaya nitong i-accommodate noon, pero dahil sa demand, nagdagdag sila ng kapasidad hanggang 100.


 

“That’s like a small hospital already, that's how many patients really need this service. All the hospitals are full ," ani The Medical City Department of Medicine chairman Ameil Cornelio Dela Cruz. 

 

Sa ilalim ng programa, 10 araw o higit pa imo-monitor ang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 habang nagpapagaling ito sa kanyang bahay. Gagawin ito sa pamamagitan ng virtual consultation at face-to-face visit ng mga doktor at nurse.

 

Pero tanging ang mga asymptomatic at may mild o moderate symptoms ng sakit lamang, na pumasa sa clinical evaluation ng doktor, ang pasok dito. 


Oras na lumala ang kondisyon ng pasyente agad itong ililipat sa ospital.


Dahil sa dami ng may gusto o di kaya’y wala nang choice kundi magpagaling sa bahay, ang home health care provider na ActivCare, nagbukas na rin ng kanilang home care program para sa mga pasyente ng COVID-19 noong isang linggo.


Sa ngayon, may 6 na COVID-19 patients na silang siniserbisyuhan.


Ayon sa palliative care specialist na si Dr. Agnes Bausa-Claudio, mas mainam kung maagang magpakonsulta ang pasyente sa pamamagitan ng pagtawag.


"We will teleconsult first before the team goes to the house. Para pagdating sa bahay, handa na ang team ano ang need ng patient, ano ang equipment na kailangan. Lesser exposure din for the team," ani Dr. Agnes Bausa-Claudio, pallative care specialist ng ActivCare Home Health Solutions Inc.


‘Yun nga lang, maging sa mga programang ito, nagkukulang na rin ng healthcare workers.


Nasa tatlo hanggang apat na team lamang ang nagsasagawa ng home care sa mga pasyenteng may COVID-19, kung saan bawat team ay may tatlong miyembro.


“There’s a limitation right now because of the lack of nurses. There are not enough nurses that would want to care for a patient at home na COVID positive," ani Bausa-Claudio. 


"The time allotted for home care cannot be anticipated. Sabihin mo isang oras lang ako vivisit sa inyo. Sometimes it will take us 3 or 6 hours, especially if the case is complicated," dagdag niya. 


Matrabaho rin umano ang mga home care service kaya hinimok ni Dela Cruz ang ilang ospital na gawin ang serbisyo. 


"I encourage other hospitals also to do the same because right now, there’s just a few of us doing it. If there’ll be more, that will help a lot of people control this pandemic," dagdag niya. 


Paalala ng mga doktor, kailangang may sariling kwarto at banyo

ang pasyente sa home care.

 

Kung kailangang pumasok sa kwarto ng pasyente, dapat naka-face mask at face shield at panatilihin ang isang metrong distansya. Dapat may bukod na mga gamit ang pasyente at nakahanda palagi ang pang-disinfect.


Dapat ding nakahanda ang COVID-19 home care kit na naglalaman ng mga face mask at gloves, monitoring supplies gaya ng thermometer, pulse oximeter at BP cuff, at mga gamot.

 

Mahalaga rin ang papel ng mga kaanak at kasama sa bahay sa pag-aalaga sa pasyente.


"We always do family meetings—before the visit, ano ang expectations at role ng team at family, during the visit, that’s another discussion, what are the things to be done," ani Bausa-Claudio. 


“I think it will go on for as long as COVID is there. Marami talagang patients na ayaw magpadala sa hospitals. They are comfortable at home and they want to stay with family," dagdag niya. 


Importante ring magkaroon ng COVID-19 directory o contact number ng mga doktor, ospital at COVID-19 Center ng lokal na pamahalaan.


-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/24/21/pangangailangan-para-sa-mga-covid-19-home-care-service-tumataas

No comments:

Post a Comment