Nilinaw ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) nitong Sabado ng umaga na nasa loob pa rin ng ospital at hindi sa labas nananatili ang kanilang mga pasyente.
Ito’y sa kabila ng mga lumabas na larawan ng mga pasyenteng nakahiga na sa sahig at sa labas na natutulog ang ilang pasyente.
Ayon kay Dr. Rose Marie Liquete, executive director ng NKTI, may tent at covered ang lugar kung saan nakapwesto ang mga pasyente.
“Hindi sila nasa labas ng NKTI, naglagay kami ng mga tent doon. Pero dahil nga rin puno na rin ang aming COVID room, ‘di namin sila maaakyat agad. Hindi sila nasa labas. Nasa tent sila which is in our driveway. Ang marami doon nasa wheelchair. Siguro noong gabi na 'yun, mahirap naman talaga matulog sa wheelchair, naglagay sila ng mahihigaan nila,” sabi niya sa panayam sa TeleRadyo.
Dagdag niya na ilan sa mga naghihintay sa tent ay mga pasyenteng hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.
Dumagsa rin sa NKTI ang mga dialysis patients dahil marami aniyang free-standing dialysis centers ang hindi na tumatanggap ng pasyente.
No comments:
Post a Comment