Johnson Manabat, ABS-CBN News
Natagpuan na ng search and rescue team ng Philippine Coast Guard ang labi ng dalawa pang tripulante ng sumadsad na LCT Cebu Great Ocean.
Ayon sa Coast Guard, alas-sais ng umaga noong Biyernes nang magkasunod na matagpuan ang labi nina Klint Auxtero at Limuel Dadivas sa karagatang sakop ng Barangay Oslao at Barangay Balite sa bayan ng San Francisco, Surigao del Norte.
Labi ng 2 pang tripulante ng sumadsad na LCT Cebu Great Ocean sa Surigao del Norte natagpuan na; 7 pa ang nawawala.
Labi ng 2 pang tripulante ng sumadsad na LCT Cebu Great Ocean sa Surigao del Norte natagpuan na; 7 pa ang nawawala.
— Johnson L. Manabat (@JohnsonManabat) April 24, 2021
📸: PH Coast Guard pic.twitter.com/s8YPuDHweD
Dahil dito, umabot na sa anim ang mga narekober na bangkay ng mga tripulante. Pito ang nakaligtas subalit mayroon pang pitong nawawala.
Sakay ang naturang mga tripulante ng LCT Cebu Great Ocean nang abutan ng masamang lagay ng panahon sa karagatang sakop ng Jabonga , Agusan del Sur.
Ayon sa mga nakaligtas na tripulante, hinampas ng malalaking alon ang kanilang barko hanggang sa naputol ang kadena ng angkla nito at pasukin sila ng tubig.
Nagdeklara ng "abandon ship" sa barko kaya kanya-kanyang talon sa dagat ang mga tripulante. Sumadsad naman ang barko sa baybahin ng Barangay Cantapoy, Malimono Surigao del Norte noong April 19, 2021.
Biyernes ng hapon, pansamantalang itinigil ang search and rescue operation dahil sa masamang lagay ng panahon at malalaking alon sa laot.
Kargado ang barko ng nickle ore at 2,000 litro ng diesel.
Pinamamahalaan naman ng Philippine Coast Guard (PCG) Marine Environmental Protection Force - North Eastern Mindanao ang siphoning operations sa LCT Cebu Great Ocean.
Nag-isyu na rin ang PCG Station Surigao del Norte ng “Certificate of Salvage Inspection Number 1” sa accredited salvor nito na si Raul Basmayor, para sa salvage operation ng naturang barko.
No comments:
Post a Comment