Nagpositibo sa COVID-19 ang alkalde ng Arayat, Pampanga na si Emmanuel Bon Alejandrino, kinumpirma niya nitong Martes.
Hindi idinetalye kung kailan siya nagpositibo pero sinabi niya sa kaniyang Facebook page na nasa maayos na siyang kalagayan at work from home siya sa mga trabaho nito sa munisipyo.
Pina-disinfect umano niya ang town hall dahil sa kaniyang positive result. Patuloy ang isinasagawang contact tracing sa mga na-expose kay Alejandrino.
Bagamat walang nagpositibo sa mga kasama niya sa bahay, iniutos ng alkalde, sa bisa ng isang executive order, ang pansamantalang pagpapasara sa munisipyo ng Arayat mula Abril 5 hanggang 7 para magbigay daan sa paglilinis at disinfection sa lahat ng opisina.
Base sa official statistics ng Arayat, lumalabas na 5 sa 200 na mga COVID-19 confirmed case sa bayan ay mula sa munisipyo.
Sarado ang lahat ng opisina sa town hall maliban sa Bureau of Fire Protection, municipal social welfare and development office, at municipal health office.
Sa bisa ng isa pang executive order, pinaiksi mula 4 a.m. hanggang 12 p.m. ang pamamalengke para masiguro ang araw-araw na paglilinis at disinfection sa pamilihang bayan ng Arayat.
Epektibo ito hanggang Biyernes, Abril 9.
Bukod kay Alejandrino, nauna na ring tinamaan ng COVID-19 ang ilan pang alkalde sa Pampanga, tulad nina Crisostomo Garbo ng Mabalacat, Bobong Flores (Macabebe), Darwin Manalansan (Floridablanca), at Rene Maglanque (Candaba).
Nasa 1,855 ang mga active COVID-19 case sa buong Pampanga.
Dahil sa lumolobong bilang ng mga inpeksyon sa lalawigan, patuloy din ang pagdadagdag ng mga isolation facilities sa naturang probinsiya.--Ulat ni Gracie Rutao
https://news.abs-cbn.com/news/04/08/21/mayor-ng-arayat-pampanga-nagpositibo-sa-covid-19
No comments:
Post a Comment