Isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang 2 lungsod at 11 bayan sa Ilocos Sur para mapigilan ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lalawigan.
Epektibo ang MECQ sa Ilocos Sur mula Miyerkoles, April 7, hanggang April 21, 2021.
Kasama sa MECQ ang mga lungsod ng Vigan at Candon, at mga bayan ng Cabuago, Bantay, Sinait, Cervantes, Narvacan, Santa, Sta. Maria, San Esteban, Sta. Lucia, Suyo, at Tagudin. May curfew din sa mga naturang lugar, mula 10 p.m. hanggang 5 a.m.
Ito'y alinsunod sa Executive Order No. 28, series of 2021 ni Ilocos Sur Gov. Ryan Luis Singson na kaniyang inanunsiyo sa kaniyang official Facebook page.
Sa huling tala ng Ilocos Sur nitong Martes, umabot na sa 763 ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan, at 317 dito ay aktibo. Nakasaad sa EO na karamihan sa mga kaso ay galing sa mga nabanggit na lungsod at mga bayan.
Ilan sa mga kailangang sundin sa ilalim ng kautusang ito ay lahat ng residente na nasa ilalim ng MECQ ay hindi pinapayagang lumabas mula sa sariling lungsod o bayan maliban lamang kung ito ay para sa essential at emergency needs o travels.
Ang mga residenteng nagta-trabaho sa labas ng lalawigan ay ay maaring lumabas pero kailangan na sumunod sa mga regulasyon ng kanilang lokal na pamahalaan.
Ang mga residente naman na galing sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at iba pang lalawigan at high-risk areas ay pansamantalang hindi pinapayagang bumiyahe sa mga lungsod at bayan na nasa ilalim ng MECQ sa Ilocos Sur, maliban lamang kung ito ay emergency at essential travel.--Ulat ni Grace Alba
https://news.abs-cbn.com/news/04/08/21/2-lungsod-at-11-bayan-sa-ilocos-sur-isinailalim-sa-mecq
No comments:
Post a Comment