Tuesday, April 27, 2021

Sekyung nagpanggap na miyembro ng Philippine Army tiklo

Lady Vicencio, ABS-CBN News


Simpleng traffic violation lang sana ang ipapataw sa isang 32-anyos na lalaki pero 4 na kaso ang haharapin niya ngayon matapos mahuli ng pulisya sa Paco, Maynila, Lunes ng gabi.


Sakay ng itim na MPV ang lalaki nang masita sa checkpoint dahil sa pagka-counterflow sa Leon Guinto Street sa Paco.


Pero imbes na makipagtulungan sa mga pulis, arogante pa umano siyang nagpakilalang miyembro ng Philippine Army ayon kay Police Lt. Col. Evangeline Cayaban, commander ng Ermita Police.


Naka-uniporme ng sundalo ang lalaki pero naghinala ang mga pulis dahil ibang sapatos ang suot niya para sa naturang uniporme. Paliwanag ng suspek, wala na umano siyang masuot na damit.


Lalong nagduda ang mga pulis kaya hiningan na siya ng ID pero pumalag pa ang lalaki dahil nagmamadali umano at kabaro naman pero tinetiketan pa.


Nang makapagpresenta siya ng pagkakakilanlan, ID ng security guard ang hawak niya at wala nang maipakitang lehitimong proweba ng pagiging sundalo.


May hawak din siyang 3 passport pero walang nakapangalan sa kaniya.


Ayon sa lalaki, taga-Pampanga siya at ngayon lang pumunta sa Maynila.


Pero sa dashcam video ng sasakyan, ilang beses nang pabalik-balik ang sasakyan sa Maynila.


Wala rin siyang maipresentang rehistro ng sasakyan na ayon sa kanya ay nirentahan lang.


Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang background ng lalaki at kung sino ang may-ari ng sasakyan.


Kakasuhan siya ng paglabag sa Land Transportation and Traffic Code, resistance and disobedience to a person in authority, usurpation of authority, at paglabag sa Philippine Passport Act.


https://news.abs-cbn.com/news/04/27/21/sekyung-nagpanggap-na-miyembro-ng-philippine-army-tiklo

No comments:

Post a Comment