Tuesday, April 27, 2021

Cauayan isinailalim sa GCQ bunsod ng pagdami ng COVID-19 cases

Isinailalim sa general community quarantine bubble ang lungsod ng Cauayan, Isabela, nitong Lunes para matugunan ang lumalalang kaso ng COVID-19.


Alinsunod sa executive order ni Mayor Bernard Dy, magtatagal ang implementasyon ng nasabing bubble hanggang Mayo 2.


Sa huling tala ng Cauayan health office, nasa 327 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Mayroong 55 na suspected cases habang 76 naman ang probable cases.


“Ayon sa assessment ng ating mga doktor, kumpirmadong may community transmission na po dito sa ating lungsod particularly household and work transmission,” ani Dy sa public address sa Facebook. 


Sa ilalim ng GCQ bubble, lalo pang hihigpitan ang pagpapatupad sa mga mimimum public health standard, kagaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, pagpapanatili ng social distancing at proper sanitation.


Bawal lumabas ng bahay ang mga edad 18 pababa at 65 pataas, mga buntis, at mga may dati nang karamdaman o nasa panganib ang kalusugan. 


Papayagan naman na lumabas ang mga may mahahalagang lakad o transaksyon at mga nagtatrabaho sa mga establisyemento o opisina na pinayagang mag-operate sa ilalim ng GCQ, pero dapat ay may dala silang identification card o anumang magpapatunay ng kanilang edad at sila ay residente sa lungsod. 


Ang mga hindi residente na gustong makapasok sa lungsod ay kinakailangan na magpresenta at mag-iwan ng ID sa mga itinalagang major checkpoints gaya sa Barangay Alinam, San Fermin, Tagaran, Alicaocao at District 3. 


Ang mga manggagaling sa Metro Manila at iba pang itinuturing na high-risk areas sa labas ng Region 2, gayundin ang mga locally stranded individuals at OFWs, ay kailangang dumaan muna ng mandatory triage sa Isabela State University sa Cauayan. 


Ang mga uuwi naman sa lungsod sakay ng eroplano ay kailangang magpresenta ng negative RT-PCR test o antigen swab test result pagdating sa airport. 


Mahigpit din na ipatutupad ang number coding scheme sa lahat ng uri ng sasakyan maging ito man ay motorsiklo, tricycle o pribadong behikulo na papasok at mag-iikot sa loob ng Cauayan. 


Pero exempted dito ang mga negosyante at empleyado sa mga opisina o establisyemento na pinapayagang mag-operate sa ilalim ng GCQ bubble, gayundin ang mga frontliner, essential workers at mga dadaan lang sa lungsod gamit ang national highway. 


Istriktong ipinatutupad ang liquor ban at curfew mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw. 


Mahigpit ding ipagbabawal ang mass gathering at limitado sa 10 katao ang papayagang dumalo sa lamay o libing. 


Maaari namang magbukas ang mga kainan o restaurants, pero bawal ang dine-in sa halip ay delivery at take-out lang. 


Ang mga bangko ay pinapayagang magbukas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon lamang habang ang ibang establisyemento ay hanggang alas-7 ng gabi. 


Ang mga pampubliko at pribadong opisina ay kinakailangan din na magpatupad ng skeleton operation para masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado. — Ulat ni Harris Julio


https://news.abs-cbn.com/news/04/27/21/cauayan-isinailalim-sa-gcq-bunsod-ng-pagdami-ng-covid-19-cases

No comments:

Post a Comment