Iminungkahi ngayong Martes ni Sen. Panfilo Lacson na isama sa resolusyon ng Senado na tanggalin na si Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Iminungkahi ko kay Sen. [Franklin] Drilon na isama sa resolution, kasi hindi naisama yung pagiging apolitical, yun apolitical nature ng armed forces. Sabi ko, importanteng maisama yun,” sabi ni Lacson.
Isa si Lacson sa 14 na senador na suportado ang resolusyon ni Drilon na kumakastigo kay Parlade matapos silang tagawing “stupid”.
“Mostly, ang resolution ay censure. Yung senado mismo, ise-censure dapat si Gen. Parlade. Pero, sabi ko nga, mas importante na i-recall siya sa armed forces para bahala yung armed forces mag-censure sa kaniya o defense department,” sabi ni Lacson sa panayam sa TeleRadyo.
Giit ni Lacson na paglabag sa Konstitusyon ang pagkakatalaga kay Parlade bilang tagapagasalita ng NTF-ELCAC. Ito rin ang sinabi ni Drilon, isang dating Kalihim ng Department of Justice.
“Unconstitutional, eh. Pangalawa, unconstitutional na nga, ginugulo pa niya," ani Lacson.
Umani ng batikos si Parlade at Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy sa pag red-tag sa community pantry organizer.
“Wala talaga sa katwiran, sabihin na nating ganun. Hindi natin alam kung anong motibo nilang dalawa, kung bakit sinisilip pa nila nang pilit at iniuugnay sa CPP-NPA yung community pantry,” sabi ni Lacson.
Pero batid ni Lacson na ang may huling kumpas sa isyu ay si Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng NTF-ELCAC.
“Anong magagawa ng Senado, Kongreso? May panawagan na i-zero budget namin sa isang taon. Yung iba, ang panawagan i-defund. Pero, pag i-defund, ang pwede lang mag-realign ng item sa budget, yung Pangulo rin kasi naipasa na yung budget. 'Pag zero budget next year, kaya naming gawin yun; walang ire-realign kasi 'pag zero budget, walang item,” sabi ni Lacson.
Iginiit naman niyang tamang bigyan ng pondo ang development programs sa barangay para tuluyan nang mawakasan ang insurgency.
“First time na napondohan ang Barangay Development Program. Pang 2021 lang yan. Hindi pa ito nagkaroon ng pondo noong nakaraang taon. Hindi pa ito nai-implement kasi kaka-first quarter pa lang natin. Ngayon pa lang nagre-release ang DBM (Department of Budget and Mangement). Yan ang subaybayan natin kung talagang naimplementa nang maayos yun, once na ma-release ng DBM yung pondo sa mga LGUs. 'Yan ang dapat i-monitor kung napunta ba talaga sa mga items na nakalista,” sabi niya.
Ani Lacson, gumawa ng controversial issue si Parlade na ikinagalit ng mga senador, na nagbunga sa panawagang i-defund ang anti-communist insurgency council.
“Sa akin naman, pwedeng gamitin ito sa next, para kung hindi ihe-heed yung call na recall siya, mas maganda nga na 'wag na lang pondohan next year. Para bang ipakita natin na hindi pwedeng kabig na lang sila nang kabig,” sabi ni Lacson.
https://news.abs-cbn.com/video/news/04/27/21/lacson-iginiit-na-dapat-alisin-si-parlade-sa-ntf-elcac
No comments:
Post a Comment