Tuesday, January 20, 2026

#BALITAnaw: Makasaysayang EDSA Dos na nagpatalsik kay Erap sa Palasyo

 #BALITAnaw: Makasaysayang EDSA Dos na nagpatalsik kay Erap sa Palasyo


“Erap Resign!” Ito ang sigaw ng mga Pilipino 25 taon ang nakararaan sa rebolusyong tinaguriang “EDSA Dos.” Naging layunin ng rebolusyon na ito na patalsikin si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa Malacañang matapos malaman ng taumbayan na hindi naging matagumpay ang impeachment laban sa kanya. 


Nagtagal ang protesta mula Enero 17 hanggang Enero 20, 2001. 


ADMINISTRASYONG ESTRADA


Si Estrada ay naihalal na pangulo ng bansa noong Mayo 29, 1998, kung saan 40% ang naging lamang niya laban sa 11 pang kandidato sa pagkapangulo dahil sa kaniyang hatak sa masa. 


Batay sa mga ulat sa kasaysayan, sa pag-upo ni Estrada bilang pangulo, ilan sa mga kontrobersiyang kinasangkutan niya ay tax evasion, pagkuha ng porsyento sa ransom money na ibinayad sa grupong Abu Sayyaf kapalit ng kalayaan ng kanilang mga bihag, money laundering, sugal, at korapsyon.


Mula Disyembre 31, 1999 hanggang Enero 1, 2000, sinalubong ng buong bansa ang bagong siglo, bagong milenyo at bagong taon sa pamamagitan ng Turn of the Century Celebration sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Manila.


Kaya noong Disyembre 2000, si Estrada ay nilitis para sa impeachment dahil sa pagnanakop ng pera mula sa kaban ng bayan at umano’y pagtanggap ng mga kickback mula sa ilegal na mga sugal. 


Ang nasabing impeachment trial ay napanood sa telebisyon mula sa Senado. 


Ayon pa sa mga ulat, sa kasagsagan ng paglilitis, ang mga impeachment judge na nag-imbestiga sa kaso ng dating pangulo ay nakatanggap ng mga banta sa buhay nila, gayundin ang mga nagpahayag na saksi, na naging dulot para umalis sila ng bansa.


Sa pag-usad pa ng paglilitis, naihayag din ang mga tagong bank accounts sa ilalim ng mga alyas na itinuturong ginamit ni Estrada. 


Ilan dito ay ang pagsiwalat ng mga akusasyon na pagtatago ng $63.5 million sa pitong magkakaibang bank accounts sa kasagsagan ng kaniyang termino at ₱5 milyong inihatid sa palasyo para ipambili raw ng mansyong nagkakahalaga ng $1.7 milyon sa ilalim ng alyas na “Jose Velarde.”


EDSA DOS


Enero 2001, naiulat na ipinresenta ang isang brown envelope sa paglilitis;gayunpaman, hindi ito binuksan dahil sa “grounds of immateriality.”


Ayon sa kasaysayan, ang aktong ito ay lumabas na supresyon ng katotohanan at posibleng pagsasawalang-kaso kay Estrada, para sa mga taga-usig, kaya nag-walk out ang mga ito sa korte.


Sa unang araw ng EDSA Dos noong Enero 17, dinagsa ng tinatayang 100,000 katao ang kahabaan ng EDSA, habang ang petsa ng pagtutuloy ng paglilits ay hindi pa sigurado. 


Sa ikalawang araw ng EDSA Dos noong Enero 18, naiulat na bumuo ng “Human Chain” ang mga nagpo-protesta mula sa EDSA Shrine sa Ortigas Avenue hanggang sa Ayala Avenue sa Makati City, para hayagang ipakita ang kagustuhan nilang magbaba sa pagkapangulo si Estrada. 


Sa araw din na ito, naiulat na nakiisa rin sa panawagan ang ilan pang personalidad, maging ang mga dating katrabaho at kaibigan mula sa industriya ng showbiz. 


Sa ikatlong araw, noong Enero 19, sumali na rin ang ilang high-ranking military at police officials sa protesta para ipanawagan ang pagbaba ni Estrada.


Ang pag-alis ng suporta ng militar at kapulisan ay isa sa mga naging hudyat para unti-unting mabuwag ang administrasyong Estrada. 


Kasama rin sa araw na ito ang pagsuporta ng ilang gabinete at opisyal ng pamahalaan sa protesta. 


Alas-5 ng hapon, lumabas sa telebisyon si Estrada para sabihin sa taumbayan na hindi siya magbibitiw, bagkus ay ipagpapatuloy ang paglilitis sa kaniyang impeachment. 


Pagdating ng 6:00 ng hapon, ibinaba ni Estrada ang panukalang snap elections sa paparating na eleksyon sa May congressional at local elections. Ipinangako niya ritong hindi na siya tatakbo muli sa pagkapangulo.


Ang nasabing suhestiyon ng dating pangulo ay mariing tinanggihan ng taumbayan, at ayon pa sa mga ito, kapag hindi bumaba si Estrada hanggang alas-6 ng umaga kinabukasan, susugod sila sa Malacañang para pilitin siyang bumaba sa puwesto. 


Sa huling araw ng EDSA Dos noong Enero 20, naiulat na nanatili pa rin si Estrada sa puwesto, kaya may mga demonstrador na nagmartsa sa Palasyo. 


Kaya sa kabila ng pananatili ni Estrada sa Palasyo, pinirmahan ng Korte Suprema ang resolusyon na nagdedeklarang bakante ang posisyon sa pagkapangulo. 


Ang desisyon na ito ay nagbigay-daan para mailuklok sa pagkapangulo ang noo’y bise-pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo.


Kaya saktong 12:00 ng tanghali, nanumpa si Arroyo bilang pangulo sa harap ng libo-libong tao sa EDSA, kung saan siya rin ay naghatid ng kaniyang talumpati. 


Enero 20, 2001, 2:30 ng hapon – Nilisan ni Joseph "Erap" Estrada at ng kaniyang pamilya ang Malacañang Palace sa pamamagitan ng pagsakay sa isang barge sa Pasig River matapos ang panunumpa ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong pangulo.


Marso 2, 2001 – Naglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema (Estrada v. Desierto) na nagpapatibay na legal ang pag-upo ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo, at pormal nang inalisan si Estrada ng immunity mula sa mga asunto.


Abril 25, 2001 – Pormal na inaresto si dating Pangulong Estrada sa kaniyang mansyon sa San Juan matapos maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest para sa kasong Plunder (Pagnanakop/Pagnanakaw sa kaban ng bayan).


Mayo 1, 2001 – Sumiklab ang tinaguriang "EDSA Tres" o ang rebelyon ng mga tagasuporta ni Estrada na sumugod sa Malacañang. Nagdeklara si Pangulong Arroyo ng "State of Rebellion" sa Metro Manila upang sugpuin ang kaguluhan.


Mayo 10, 2004 – Ginanap ang pambansang halalan sa Pilipinas kung saan tumakbo si Gloria Macapagal-Arroyo para sa isang buong anim na taong termino bilang pangulo laban sa matalik na kaibigan ni Estrada na si Fernando Poe Jr. (FPJ).


Hunyo 20, 2004 – Natapos ng Kongreso (bilang National Canvassing Board) ang opisyal na bilangan ng boto para sa pagkapangulo at opisyal na iprinoklama si Gloria Macapagal-Arroyo bilang nanalong pangulo.


Hunyo 30, 2004 – Pormal na nanumpa si Gloria Macapagal-Arroyo para sa kaniyang buong termino bilang ika-14 na Pangulo ng Pilipinas sa Quirino Grandstand, Maynila (bago nagtungo sa Cebu para sa hiwalay na seremonya).


Pebrero 25, 2006 – Sa mismong ika-20 anibersaryo ng EDSA People Power I, nagdeklara si Pangulong Arroyo ng "State of Emergency" (Proclamation No. 1017) dahil sa napaulat na tangkang kudeta o sabwatan ng ilang rebeldeng sundalo at makakaliwang grupo upang patalsikin siya sa puwesto.


Setyembre 12, 2007 – Matapos ang anim na taong paglilitis, ibinaba ng Sandiganbayan ang hatol na "Guilty" kay Joseph Estrada para sa kasong Plunder at hinatulan siya ng habambuhay na pagkabilanggo (Reclusion Perpetua).


Oktubre 25, 2007 – Pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbibigay ng "Executive Clemency" o ganap na pardon (pagpapatawad) kay Joseph Estrada matapos nitong tanggapin ang hatol at mangakong hindi na tatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno (na kinalaunan ay nabago rin).


Oktubre 26, 2007 – Pormal na pinalaya si Joseph Estrada mula sa kaniyang detensyon sa kaniyang rest house sa Tanay, Rizal matapos matanggap ang opisyal na kopya ng pardon.


Sean Antonio/BALITA