Saturday, May 1, 2021

Mga doktor, pharmacist nabulabog sa pamimigay ng ivermectin ng 2 mambabatas

Maraming pumuna sa social media sa pamimigay ng ivermectin capsules nina Anakalusugan Rep. Mike Defensor, Sagip Rep. Rodante Marcoleta, at 4 na doctor sa mga residente ng Quezon City, sa kabila ng mga babala ng eksperto.


Sabi ng Philippine Pharmacists Association (PPhA), maaaring may paglabag sa Philippine Pharmacy Act ang ginawa ng mga mambabatas dahil may ilang reseta ang mga doktor na wala ang kanilang pangalan o kanilang license number.


"Ang mga pharmacist ay di nagdi-dispense po ng gamot basta-basta kapag may ganoong prescription na violative o erroneous. So wala ring pangalan or kung ano mang establishment or hospital kung anuman. Walang hahawakan ang mga pasyente kung sakaling may mangyaring di kanais nais sa kanila," ani Gilda Saljay, presidente ng PPhA.


Dagdag pa ni Saljay, eksklusibong responsibilidad ng isang pharmacist ang compounding na ginagawa kung may valid prescription mula sa doktor para sa isang pasyente kaya hindi puwedeng mag-compound ng para sa maramihan.

    

Mas mainam aniyang hintayin na lang ang resulta ng pag-aaral sa ivermectin bago ito irekomenda sa tao.


"Di po sya puwedeng gawin para sa karamihan o mag-compound ng madami para sa karamihan. Otherwise ito po ay di na compounding, ito po ay tinatawag na naming manufacturing. So for a drug under compassionate special permit, di pa puwedeng mag-manufacture dahil wala pa itong lisensiya o certificate of product registration. So di pa siya registered ng FDA (Food and Drug Administration) for human use so bawal mag-mass manufacture nito," ani Saljay. 


Naniniwala naman si Dr. Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians, na accountable o may pananagutan ang mga mambabatas, mga doktor at posible rin ang FDA sakaling magkaroon ng adverse effects sa mga nakatanggap ng ivermectin na ipinamigay sa Quezon City.


"They should be held accountable for whatever problems na posibleng mangyari because of that particular activity," ani Limpin.


Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na dapat imbestigahan ng FDA ang nangyaring pamimigay ng ivermectin.


"Of course I'm alarmed and concerned if indeed that is verified and true... 'Yung doktor na andu'n na nag-prescribe would be held liable in accordance with our statutes, and PRC laws," ani Duque.


Kinumpirma ng FDA na tinitingnan na ng kanilang Regulatory Enforcement Unit at Pharmacovigilance Unit ang ginawa ng mga mambabatas.


—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/30/21/doktor-pharmacist-nabulabog-pamimigay-ivermectin

No comments:

Post a Comment