Saturday, May 8, 2021

1 patay, 1 nawawala sa pagbaha sa Davao Region

Patay ang isang 9 anyos na batang babae matapos mahulog sa creek at malunod Biyernes ng hapon sa Barangay Manuel Guingga, Tugbok District, Davao City.

 

Ayon kay Police Maj. Ricky Obenza, hepe ng Tugbok Police, binabaybay ng biktimang si Ashley Ongco at 11-anyos nitong pinsan 

ang daan sa gilid ng creek sa kasagsagan ng pagapaw ng baha.


Natumba umano si Ongco at natangay ng rumaragasang tubig baha.


Papunta sana ang mag-pinsan sa bahay ng kanilang lola. 


Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang awtoridad pero patay na nang matagpuan ang bata may isang kilometro mula sa pinaghulugan nito.


Samantala, pinaghahanap pa rin ang isang 4-taong gulang na bata sa Caraga, Davao Oriental matapos anurin ng baha pasado alas-5 ng hapon sa Barangay Poblacion.


Malakas ang agos ng tubig kaya nahirapan ang mga kawani ng Caraga Fire Station na hanapin ang bata.

 

Matapos ang dalawang oras, itinigil na ang search operation dahil madilim na.


Nakaranas ng malakas na pagbuhos ng ulan ang Davao region nitong Biyernes dahil sa Intertropical Convergence Zone.


- Ulat ni Francis Magbanua


https://news.abs-cbn.com/news/05/08/21/1-patay-1-nawawala-sa-pagbaha-sa-davao-region

No comments:

Post a Comment