Umabot sa 40 piraso ng iba’t ibang uri ng pampasabog ang nahukay ng mga awtoridad sa isang junkshop sa Barangay Nungnungan II, Cauayan City, Isabela, nitong Miyerkoles.
Ayon kay Police Lt. Oliver Salamero, hepe ng Isabela provincial explosives and canine unit, nagsagawa sila ng paghuhukay sa junkshop matapos makatanggap ng impormasyon mula sa pamunuan nito tungkol sa mga nakabaon doon na mga bomba na mula pa sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Kabilang sa mga narekober ay 155-mm high explosives at 105-mm projectile high explosives.
Mga nangangalakal ng bakal galing sa iba’t ibang lugar ang nagbenta umano ng mga vintage bomb sa mga rumurotang tauhan ng junkshop noong mga nakaraang taon, ayon sa may-ari.
Dahil sa naipon na ang mga ito, minabuti na lang niyang ipabaon sa hukay na may 5 metro ang lalim sa likuran ng junkshop.
Nagbabala naman ang PECU sa mga makakakita ng mga ganitong uri ng pampasabog na mapanganib ito lalo kung hindi maayos na maitago o maitapon.
Nasa kanilang pangangalaga ngayon ang mga nahukay na mga bomba na planong pasabugin sa bayan ng Capas, Tarlac.
Patuloy ring mag-iikot ang PECU sa mga junkshop para tingnan kung may mga nakatagong mga lumang bomba at para turuan na rin ang mga may-ari kung paano suriin ang mga ibinebenta sa kanilang bakal. -- Ulat ni Harris Julio
https://news.abs-cbn.com/news/04/15/21/40-pirasong-world-war-2-era-bombs-nahukay-sa-isabela
No comments:
Post a Comment