Wednesday, March 31, 2021

Pulis na nagpaputok ng baril dahil sa 'sama ng loob', arestado sa Isabela

Arestado ang isang pulis matapos itong ireklamo ng pagpapaputok ng baril sa Barangay Labinab, Cauayan City, Isabela nitong Lunes ng gabi.


Kinilala ang naaresto na si Police Master Sergeant Ambrocio Albano, 34, na residente rin sa nasabing lugar at kasapi ngayon ng Luna Police Station. 


Ayon sa Cauayan City Police, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen tungkol sa narinig nilang magkakasunod na putok ng baril.


Agad rumesponde ang mga pulis sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.


Narekober sa pag-iingat niya ang kalibre 9mm service firearm na inisyu sa kaniya ng pamahalaan.


Nakuha rin sa pinangyarihan ng insidente ang pitong basyo ng bala. 


Wala naman napaulat na nasaktan o nasugtan sa pangyayari. 


Ayon sa Cauayan City Police, inamin ng suspek ang kaniyang ginawa na naging paraan lang umano niya para maglabas ng sama ng loob matapos silang magkaroon ng pagtatalo ng kaniyang ama.


Posibleng maharap sa kasong administratibo ang naarestong pulis na napag-alamang galing ng National Capital Region at isang taon pa lamang na nadestino sa Luna Police Station. 


- ulat ni Harris Julio


https://news.abs-cbn.com/news/03/31/21/pulis-na-nagpaputok-ng-baril-dahil-sa-sama-ng-loob-arestado-sa-isabela

No comments:

Post a Comment