Tuesday, March 16, 2021

Kasunod ng Palawan plebiscite, Comelec tutok na sa halalan 2022

Adrian Ayalin, ABS-CBN News


Nakatutok na ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda sa general elections sa 2022 kasunod ng plebisito kaugnay sa paghahati ng Palawan, na ayon sa isang opisyal ng komisyon ay nagsilbing “laboratory” sa kung paano dapat idaos ang darating na halalan sa gitna ng patuloy na pandemya.


Ayon kay Comelec Commissioner Antonio Kho Jr., na nagsilbing commissioner-in-charge sa Palawan division plebiscite, inatasan siya na pamunuan ang “new normal committee” para sa national elections sa susunod na taon.


“Ano’ng ibig sabihin no’n? ‘Yong new normal committee will be the committee that will form the guidelines on how to conduct the 2022 election under the pandemic situation,” paliwanag ni Kho ngayong Martes.



Itinuturing na matagumpay ng Comelec ang pagdaraos ng plebisito sa Palawan, kung saan pinagbotohan kung hahatiin ang probinsiya sa Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur. Sa ngayon, lamang ang mga botong tumatanggi sa paghahati sa probinsiya. 


Nakapagpatupad kasi ng mga health protocol sa mga polling precinct gaya ng plastic sheet sa pagitan ng mga voting booth at “isolation polling place” para sa mga botante na nakuhanan ng temperaturang 37.5 degrees Celsius.


“Itong Palawan na plebisito na ito will be considered as our laboratory on how elections should be held under a pandemic situation so definitely mga ginawa natin dito will have an impact doon sa policies na gagawin natin sa 2022,” ani Kho.


Patunay rin ang voter turnout sa Palawan plebiscite sa pagtitiwala ng mga tao sa safety protocols na ipinatupad ng Comelec, ayon kay Kho.


“Probably ‘yong policies na ginawa natin dito for Palawan plebiscite also convinced people to vote so probably, it gave them confidence na ‘pag pumunta sila sa presinto, safe naman sila,” aniya.


Nasa P150 milyon ang ginastos ng provincial government para sa plebisito, base na rin sa budget na itinakda ng Comelec, ayon kay Kho.


“It may appear to be large but I understand this is a worthy experiment kasi nakita natin ang sentimyento ng tao, an exercise of democracy is an expensive one,” ani Kho.


Sa ngayon, na-canvass na ang mga boto mula sa 18 ng 23 bayan ng Palawan, kung saan nangunguna pa rin ang “no” votes na 158,501 kompara sa “yes” na 116,436.


https://news.abs-cbn.com/news/03/16/21/kasunod-ng-palawan-plebiscite-comelec-tutok-na-sa-halalan-2022

No comments:

Post a Comment