Tuesday, February 4, 2020

ABS-CBN renewal bills not on the agenda of latest franchise hearing

Hindi pa rin kasama sa agenda sa nakatakdang hearing ng House Committee on Legislative Franchises ang anumang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng panibagong prangkisa ang broadcast giant na ABS-CBN.

Ito ay ayon sa ulat ng Politiko/Abante kahapon, February 3.

Batay sa ulat, sa kopya ng agenda na kanilang nakuha ay apat na panukalang batas ukol sa pagbibigay ng prangkisa ang nakatakdang dinggin ng komite, ngunit hindi kasali rito ang sa Kapamilya network.

Kabilang sa apat na franchise renewal bills na nakasama sa agenda ay ang sa FBS Radio Network, Century Communications Marketing Center, Caceres Broadcasting Network, at Philand Communications Network Coporation.

Hindi rin malinaw kung kailan ang hearing ng komite.

Sa inilabas kasing advisory ng House of Representatives sa Facebook, hindi kasama ang Committee on Legislative Franchises sa may hearing ngayong araw, February 4.

Noong January 22, ipinangako ni House Speaker Alan Peter Cayetano na tatalakayin sa unang linggo ng Pebrero ang lahat ng franchise renewal bills sa House Committtee on Legislative Franchises, na pinamumunuan ni Palawan Congressman Franz "Chikoy" Alvarez.

May halos 40-50 franchise renewal bills ang nakahain sa nasabing komite.

Banggit pa ni Speaker Cayetano noon, "I talked to Chairman Chicoy Alvarez and he’s recommending we start… there are about 40 to 50 franchise bills.

“So, first week of February daw he will start, and kung sino daw ang may kumpletong requirements, he will start the hearings.

“So, magkakaroon ng update maybe next week."

Nangako rin siyang magiging patas ang Kongreso pagdating sa franchise renewal bills ng ABS-CBN.

May lagpas sampung panukalang batas ang inihain ng mga kongresista na naglalayong mabigyan ng panibagong prangkisa ang broadcast giant.

Mayroon ding isang kahalintulad na batas ang nakahain sa Senado.

Sa March 30, 2020 nakatakdang magtapos ang prangkisa ng ABS-CBN.

https://www.pep.ph/news/local/149146/abs-cbn-renewal-bills-not-on-the-agenda-latest-franchise-hearing-a718-20200204

No comments:

Post a Comment