Thursday, December 5, 2019

Maraming magluluksa at mawawalan ng trabaho Renewal of franchise ng ABS-CBN, kailangan ng milagro

Sa isang panahon na ang akala ng mas nakararami ay mukhang lumalambot na ang kalooban ni Pangulong Ro­drigo Duterte sa usapin ng pagre-renew ng franchise ng ABS-CBN ay hindi pa rin pala.

Nu’ng isang araw lang, sa kanyang talumpati sa oath taking ng mga bagong itinalagang opisyal ng gobyerno, ay naging bahagi ‘yun ng speech ni PRRD.

Ang eksaktong sinabi ng pangulo, “Ang inyong franchise, mag-end next year. If you are expecting na ma-renew ‘yan, I’m sorry. You’re out!

“I will see to it that you’re out!” mismong pahayag ni PRRD.

Dahil du’n ay matindi ang pagkaalarma ng mga kontratadong artista ng network. Paano na nga naman sila? Kung hindi nga maire-renew ng ABS-CBN ang kanilang prangkisa sa Marso ng susunod na taon na napakalapit na ay saan na sila pupunta?

Hindi nagbibiro ang pangulo nang magbitiw siya ng pahayag na titiyakin niyang hindi mare-renew ang prangkisa ng istasyon. Seryoso ang kanyang pagkakasabi.

Kinakabahan na ang mga empleyado at personalidad na nasasakupan ng network. Hindi nila hawak ang bukas, walang katiyakan ang kanilang kinabukasan, kapag hindi nagbago ang posisyon ng pangulo tungkol sa renewal.

Harinawang may makapagpabago pa sa desisyon ni Pangulong Duterte hanggang sa mga susunod na buwan dahil libu-libo ang mawawalan ng trabaho kapag nagsarado ang ABS-CBN.

At tanggapin natin ang katotohanan na kapag nawala sa himpapawid ang network ay magbabago na ang takbo ng mundo ng telebisyon.

Maraming hahanapin ang ating mga kababayan. Maraming tagahanga ng mga kontratadong artista ng ABS-CBN ang magluluksa.

Sana’y may maganap pang milagro bago dumating ang Marso. Harinawa.

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/showbiz/2019/12/05/1974370/maraming-magluluksa-mawawalan-ng-trabaho-renewal-franchise-ng-abs-cbn-kailangan-ng-milagro

No comments:

Post a Comment