Wednesday, August 31, 2016

SFEX Expansion/ SCTEX upgrading/ NLEX expansion & extension

TAGALOG NEWS RELEASE
PHILIPPINE INFORMATION AGENCY-BULACAN
Agosto 13, 2016

P5B inilaan ng MNTC para laparan ang NLEX, pakinisin ang SCTEX
**Subic Bay Freeport Expressway (SFEX), gagawin na ring 4 na linya**

Ni Shane Frias Velasco

AYALA, Lungsod ng Makati, Agosto 13 – Namuhunan ng P5 bilyon ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) para sabay-sabay na ipagawa ang mga imprastraktura sa tatlong pangunahing expressway sa gitnang Luzon.

Sa pagbubukas ng Tara Na Sa Norte Tourism and Travel Fair na inorganisa ng MNTC, inuulat ni Rodrigo Franco na pangulo nitong korporasyon, na pangunahing ginagastusan ngayon ang pagpapalapad sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) mula Sta.Rita hanggang San Fernando, Pampanga. Nasa kasagsagan na ngayon ang proyekto kung saan makikitang nailatag na ang ikatlong linya ng NLEX sa bahagi ng Plaridel, Bulacan; San Simon at San Fernando, Pampanga. Habang isinasabay na ang ginagawang emergency bays sa Candaba Viaduct upang magamit na ang dating road shoulder nito bilang ikatlong linya. Lalaparan din lahat ng mga tulay na madaanan sa bahaging ito ng NLEX upang maipantay sa magiging tatlong linyang expressway.

Kasabay nito, ginagawa na rin ang bagong dalawang linya ng NLEX sa bahagi ng northbound nito mula sa Dau hanggang Sta. Ines sa Mabalacat. Sa ngayon, dalawang linyang salubungan lamang ang dulong bahaging ito ng NLEX. Bagama’t 4 na kilometro lamang, ayon sa Tollways Management Corporation (TMC), ang nangangasiwa sa sistema ng trapiko sa NLEX, dito nangyayari ang pinakamaraming bilang ng aksidente. Ito kasi ang bahagi ng NLEX na nabiting gawin nang kanselahin ng pamahalaan ang konstruksiyon noong 1986. Mula noon, nakatiwangwang lamang ang bakanteng lupa at naiwang salubungan ang direksiyong paluwas ng Maynila. Kapag natapos ito, ang kasalukuyang salubungan ay magiging pirming dalawang linya para sa mga motorista paluwas sa kamaynilaan o southbound lane. Habang ang magiging bagong dalawang linya ay para sa mga patungong hilaga sa bahagi ng Mabalacat at Magalang sa Pampanga at sa Bamban at Capas, Tarlac.

Sa loob ng halagang P5 bilyon, P2.6 bilyon ang inilaan ng MNTC para sa mga ginagawa ngayon sa NLEX. Kasama na rito ang P206 milyong pagpapalaki ng tollgate sa Bocaue mula sa 25 booth na magiging 33.

Ang MNTC ay isang pribadong kompanya na may konsesyonaryo para imodernisa ang kahabaan ng NLEX mula 2002 hanggang taong 2037. Sa loob ng mga taong ito, sila rin ang may karapatan na gumastos para sa patuloy na pagsasaayos ng NLEX. Isa itong sistema ng Built-Operate-Transfer (BOT) na isang mekanismo ng Public-Private Partnership (PPP) na isinakatuparan ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa sistemang ito, ipinapaubaya ng pamahalaan sa pribadong sektor ang paggastos at pagsasa-ayos sa isang partikular na imprastraktura nang hindi gagastos ang pamahalaan. Matapos ng panahon ng konsesyon, isasauli na ng pribadong sektor ang karapatang magmay-ari at mamahala sa pamahalaan.

Noong 2010, sa MNTC na rin iniatang ng administrasyong Arroyo ang konsesyonaryo para pangasiwaan at mas isaayos pa ang bagong SCTEX. Ngunit nito lamang 2015 tuluyang nakapagsimula sa konsesyon ang MNTC matapos makumbinsi ang administrasyon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III na MNTC ang may karapatan sa orihinal na kontratang napagpirmahan sa ilalim ng Lease-Operate-Transfer, na isang ring mekanismo ng PPP. Ngayong MNTC na ang may hawak sa pangangasiwa at operasyon ng SCTEX, ang kompanya na ang magbabayad sa may P21 bilyong inutang ng pamahalaan ng Pilipinas sa pamahalaan ng Japan. Taong 2004 sinimulang ipatayo ang SCTEX sa pangangasiwa ng Bases Conversion Development Authority (BCDA), isang government owned and controlled corporation (GOCC), na layuning pagdugtungin ang tatlong pinakamahahalagang economic zones ng bansa, ang Subic sa Zambales, Clark sa Pampanga at ang Tarlac.

Bilang panimula ng konsesyon ng MNTC sa SCTEX, bahagi ng P5 bilyon ang P1 bilyong ginagastos ngayon sa pagpapa-aspalto sa buong 94 kilometrong kahabaan ng SCTEX mula sa Tipo na papasok sa Subic Bay Freeport Zone sa Zambales hanggang sa La Paz, Tarlac kung saan nakakabit ito sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX). Ngayong 2016, inaaspaltohan ang bahagi ng SCTEX mula Porac, Pampanga hanggang Concepcion, Tarlac. Pagpasok ng 2017, sisimulan na ang paglalatag ng bagong aspalto mula Porac hanggang Floridablanca, Pampanga at mula Concepcion hanggang San Miguel, Tarlac. Target matapos ito sa 2018 kapag naaspaltohan ang bahagi mula sa Floridablanca, Pampanga hanggang sa Tipo sa Subic at mula San Miguel hanggang sa La Paz, Tarlac.

Ipinaliwanag ni Franco na “bago kami mag take over sa SCTEX, walang massive maintenance sa SCTEX kaya gumaspang ang road pavement. Kapag nagmamaneho ka, mararamdaman mong kumakayod ang gulong sa gastado nang aspalto. Huling naaspaltohan iyan, noong inauguration ng SCTEX noong 2008 pa. Kaya ngayon iyon ang inuna namin na maging kasing kinis ng NLEX ang SCTEX.” Matatandaan na pinag-isa na rin ang sistema ng dalawang magkadugtong na expressway partikular na ang koleksiyon ng toll. Dati, dalawang beses pang pumipila ang mga motorista sa tollgate ng Dau sa NLEX at sa Tollgate ng Mabalacat sa SCTEX. Magkalapit ang dalawang tollgate na nagdudulot ng mahabang pagpila at mabigat na lagay ng trapiko. Inalis na ang dalawang nasabing mga tollgate. Ang sistema, anumang sasakyan na papasok sa NLEX, magbabayad na lamang ng kanyang toll saan mang exit sa SCTEX siya lumabas.

Samantala, sinabi rin ni Franco na nakatakdang simulan na rin ang pagpapalapad sa Subic Bay Freeport Expressway (SFEX). Ito ang expressway na nagkakabit sa SCTEX patungo sa loob ng Subic Bay Freeport Zone sa lungsod ng Olongapo. Isa itong salubungang expressway na ipinagawa ni Pangulong Fidel V. Ramos bilang bahagi ng paghahanda noong gaganapin sa Subic ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong 1996. Sa ngayon, dahil salubungan lamang ang SFEX, kapag ang nasundan ng isang maliit na sasakyan ang isang malaki at mabigat na sasakyan gaya ng trak, lalo na sa mga bahagi na paahon o paakyat, nagiging mabagal ang daloy ng trapiko. Kaya mula sa dalawang linyang salubungan, magiging apat na linya na ito. (SFV/PIA-3/BULACAN)

No comments:

Post a Comment