Sarado na ngayong Miyerkoles ang lahat ng registration centers para sa National ID system ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ikalawang distrito ng Albay.
Kasama na rin dito ang pagsasara pansamantala ng registration center sa bayan ng Polangui na matatagpuan naman sa ikatlong distrito ng probinsiya.
Ayon kay PSA Regional Director Cynthia Perdiz, ito'y bilang tugon sa apela ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda na pansamantalang itigil ang door-to-door at face-to-face data collection para sa National ID system matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang registration kit operator sa bayan ng Polangui.
Sa kasalukuyan, nasa 400 ang naka-home quarantine sa bayan na naging close contact nito.
Pero ayon sa PSA, asymptomatic o wala namang sintomas ng COVID-19 ang nagpositibo nilang empleyado.
Bukod sa Albay, sarado rin ang registration center sa bayan ng Libmanan sa Camarines Sur matapos makapagtala rin ng positibong kaso ng COVID-19.
Oktubre noong nakaraang taon pa nagsimula ang registration ng PSA para sa PhilSys pero ngayon lang nakapagtala ng positibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng kanilang mga empleyado.
Sa ngayon, umabot na sa 1.8 milyon ang nakapagparehistro sa Bicol para sa Step 1 ng PhilSys. Mahigit 300,000 naman para sa Step 2.
- Ulat ni Karren Canon
No comments:
Post a Comment