Sunday, August 15, 2021

Nasa hanggang 4,000 Pinoy di makaalis pa-Hong Kong: grupo

Tinatayang nasa hanggang 4,000 na Pilipinong nakatakdang pumunta ng Hong Kong para magtrabaho ang hindi makaalis ng bansa dahil sa isyu ng COVID-19 vaccination card, sabi ngayong Linggo ng isang grupo.


Ayon kay Bayan Hong Kong and Macau Chairman Eman Villanueva, nasa 3,500 hanggang 4,000 Filipino na magtatrabaho sana sa Hong Kong ang stranded sa Maynila at patuloy na nababaon sa utang.


Ito'y sa gitna ng patuloy na pag-uusap ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Hong Kong kaugnay sa vaccination card ng mga Pinoy.


Ipinaliwanag ni Villanueva na kasama kasi ang Pilipinas sa mga itinuturing na "high-risk country" ng Hong Kong para sa COVID-19, kaya ang mga fully vaccinated na Pinoy lang ang puwedeng makapasok ng teritoryo.


Kung binakunahan sa Pilipinas, dapat umanong makapagpresenta ang Pinoy ng vaccination record na kinikilala ng World Health Organization.


Ayon kay Villanueva, marami sa mga stranded na pa-Hong Kong ang hindi na bumalik ng probinsiya dahil umaasang agad na silang makakaalis.


Ang ilan sa mga Pinoy ay nangangambang mawalan ng trabaho dahil hindi na sila mahintay ng kanilang employer sa Hong Kong.


Marami rin umanong Pinoy sa Hong Kong ang hindi makauwi sa bansa dahil sa quarantine restrictions at nauubos na rin ang naipong pera.


Umapela si Villanueva sa gobyerno na tulungan ang mga stranded na Pinoy.


https://news.abs-cbn.com/news/08/15/21/hanggang-4000-pinoy-di-makaalis-pa-hong-kong

No comments:

Post a Comment