Sunday, May 2, 2021

COVID-19 sa PH, pinakamalala nitong Abril: pagsusuri

Pinakamalala ang situwasyon ng COVID-19 sa bansa nitong nagdaang buwan ng Abril, base sa datos ng Department of Health (DOH) na sinuri ng ABS-CBN Data Analytics.


Sa pagsusuri ng ABS-CBN Data Analytics, nasa 290,439 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 noong Abril, higit pa sa 265,738 pinagsama-samang kasong naitala mula Oktubre 2020 hanggang Pebrero 2021.


"'Yong phase na nakita talaga natin noong April, parang sa loob ng sampung araw, 100,000 ang nadadagdag eh," sabi ni Edson Guido, head ng ABS-CBN Data Analytics.



"Halos 4,000 din ang deaths na nai-report ng DOH noong April so hindi lang siya buwan na may pinakamaraming kasong nai-report kundi buwan din siya na may pinakamaraming namatay," dagdag niya.


Lumabas din sa pagsusuri na sa unang 4 na buan ng taon, pumalo agad sa 563,746 ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, mas mataas sa 473,681 kaso na naitala sa buong 2020.


Hindi pa masabi ni Guido kung ano ang mangyayari ngayong Mayo, kung saan higit 8,000 ang daily average cases.


Nagpa-plateau o pumapantay lang aniya ang bilang at hindi tuluyang bumababa.


"Napaka-crucial nitong coming days. Dito natin malalaman kung talaga bang patuloy 'yong pagbaba na makikita natin, na aabot tayo ng mas mababang lebel or nandoon pa rin 'yong possibility talaga na puwedeng bumaliktad eh, puwedeng umangat dahil hindi nga natin makita ’yung tuloy-tuloy na pagbaba eh," ani Guido.


Gayunman, may pag-asa pa rin umanong nakikita ngayong Mayo dahil bumababa ang mga aktibong kaso at dumarami ang mga gumagaling sa sakit.


Ngayong Linggo, pumalo sa 1,054,983 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas matapos makapagtala ang DOH ng dagdag na 8,346 kaso.


Sa bilang na iyon, 71,472 ang active o may sakit pa rin.


Nakapagtala rin ang DOH ng 9,072 bagong gumaling sa sakit para sa 966,080 total recoviers habang 77 naman ang naitalang namatay para sa 17,431 death toll.


Higit sa pagbabantay sa mga numero, nangangalampag ang mga health care worker sa pamahalaan para sa mas kongkreto at epektibong tugon sa pag-responde sa mga nagkakasakit.


"Bagamat binibigyan namin ng premium 'yong paglahok ng mamamayan doon sa usapin ng pagsugpo sa pagkalat

ng COVID-19, hindi naman puwede natin isisisi na lang lagi sa kanila kasi siyempre 'yong rekurso, 'yong main support system pa rin ay manggagaling sa pamahalaan," ani Dr. Julie Caguiat, convenor ng Coalition for People's Right to Health.


-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/05/02/21/covid-19-sa-ph-pinakamalala-nitong-abril-pagsusuri

No comments:

Post a Comment