Tuesday, April 6, 2021

Utilization rate ng mga COVID-19 bed sa Pampanga halos 75% na, ayon sa health office

 Halos 75% na ang utilization rate ng COVID-19 beds sa Pampanga, ayon sa mga health officials nitong Lunes.


Ayon sa Pampanga health provincial office, nasa 10,312 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan, at 1,800 dito ay aktibo pa rin.


Dahil dito, nag-abiso na ang ilang mga ospital sa Pampanga na malapit nang mapuno ang kanilang mga pasilidad pagkatapos umabot ng 74.7% ang utilization rate ng mga COVID-19 bed sa mga ospital sa probinsiya.


Binuksan na ng provincial government ang bagong isolation facility sa Barangay Santa Catalina sa bayan Lubao.


May 110 capacity ang 5 container vans mula sa DPWH na kinonvert bilang isolation facility sa tulong ng provincial engineering’s office at general servicers office.


Bawat kwarto ay may sariling hospital bed, aircon, dextrose, oxygen, at banyo. Ito raw ang nakikitang paraan ng kapitolyo para maresolba ang mabilis na pagsirit ng kaso ng COVID-19 at ang unting-unting pag-puno ng mga nakalaang pasilidad para sa covid sa mga ospital sa lalawigan.


“Dahil po sa surge natin yung mga hospitals, problema na punong-puno hindi na nila ma-accomodate even private, so tutulong rin po kami," ani Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda.


Bukod pa sa Lubao, nakatakda na ring buksan ang isa pang isolation facility na may 90-bed capacity ngayong linggo.


Sa kabuuan, mahigit sa 1,000 ang kapasidad ng lahat ng isolation facilities ng lalawigan sa National Government Administrative Center; Mexico; NCC Athlete’s Village; Lubao; at sa San Fernando City. — Ulat ni Gracie Rutao


https://news.abs-cbn.com/news/04/06/21/utilization-rate-ng-mga-covid-19-bed-sa-pampanga-halos-75-na-ayon-sa-health-office

No comments:

Post a Comment