Friday, April 16, 2021

44 barangay sa Ilagan nilagay sa localized lockdown; 2 UK variant cases naitala

Isinailalim sa localized lockdown simula nitong Miyerkoles ang 44 barangay sa Ilagan City, Isabela, dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.


Alinsunod sa executive order ni Mayor Jay Diaz, magtatagal ang localized lockdown hanggang hatinggabi ng April 21 sa layuning matugunan ang sitwasyon. 


“Hayaan ba natin na lumalala pa ng ganito ang ating sitwasyon? Hayaan ba natin na mas marami pa ang mahawa at mapahamak? Alin ba ang mas mahalaga, ang karapatan nating gumalaw at lumabas o ang karapatan nating mabuhay at maging ligtas?,” ani Diaz sa pagpupulong ng city inter-agency task force (IATF). 


Sa huling tala ng City Health Office, mayroong 260 active cases ng COVID-19. Nasa 98 naman ang suspected cases na nakakalat sa 44 barangay na isinailalim sa localized lockdown.


Kabilang dito ang Alibagu, Calamagui 2nd, Baligatan, San Vicente, Bliss Village, Baculod, Manaring, Guinatan, Osmena, Bagumbayan, Alinguigan 1st, Centro San Antonio, Cabannungan 2nd, Malalam, Santa Barbara, Calamagui 1st, San Isidro, Aggassian, San Rodrigo, Fugu, Centro Poblacion, Camunatan, Bangan, Alinguigan 2nd, Marana 1st, Naguilian Norte, Morado, Sipay Naguilian Sur, San Felipe, Alinguigan 3rd, San Juan, San Ignacio, Cabannungan 1st, Santa Isabel Norte, Fuyo, Lullutan, Cabisera 23, Marana 3rd, Minabang, Cabisera 8, Cabisera 10, Arusip, at Cabisera 22. 


Sa datos naman ng city IATF, nakapagtala ng 403% growth rate sa loob ng 2 linggo habang umaabot na ngayon sa 7.16% ang daily attack rate.


Sa kabuuan, umabot na sa 1,692 ang naitalang COVID-19 cases sa Ilagan kung saan 1,399 ang nakarekober o gumaling sa sakit. 


Kinumpirma din ng alkalde na may naitala na ring 2 kaso ng UK variant sa lungsod batay sa impormasyong ibinigay ng Department of Health Region 2.


Kapwa may history of travel umano ang dalawang pasyente na nahawa naman sa isang Covid-19 positive patient sa pinuntahan nilang lugar.


Puspusan na ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng 2 nagpositibo sa UK variant ng COVID-19. 


Panawagan din ang alkalde sa mga residente na sumunod sa mga itinakdang panuntunan ng localized lockdown.


Sa ilalim nito, bawal lumabas ng bahay ang mga edad 18 pababa at 65 pataas, mga buntis gayundin ang mga may dati ng karamdaman o hindi maayos ang kalusugan.


Ang mga miyembro ng pamilya na kinakailangang lumabas para mamili ng pagkain, gamot at iba pang essential needs ay dapat mayroong barangay quarantine pass.


Bukas din ang palengke, pero limitado sa 200 katao lang kada takdang oras ang maaaring makapasok. 


Bawal bumiyahe ang mga private transport vehicles maliban sa mga pinahihintulutan sa ilalim ng Omnibus Guidelines on Community Quarantine. Pinapayagan naman ang mga pampublikong sasakyan gaya ng mga tricycle pero susunod ang mga ito sa number coding scheme.


Magpapamahagi naman ng ayuda ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente.--Ulat ni Harris Julio


https://news.abs-cbn.com/news/04/16/21/44-barangay-sa-ilagan-nilagay-sa-localized-lockdown-2-uk-variant-cases-naitala

No comments:

Post a Comment