Sunday, April 11, 2021

100 sanggol, sabay sabay na bininyagan sa Cebu kasabay ng Divine Mercy Sunday

 Kasabay ng kapistahan ng Divine Mercy ay isinagawa ang binyagan ng 100 sanggol sa lungsod ng Cebu.


Bahagi rin ito sa unang araw ng triduum o ang tatlong araw na paghahanda para sa ika-500 taon ng kauna-unahang binyag na naganap sa Cebu sa grupo ni Portuguese explorer Ferdinand Magellan.


Sa Our Lady of Guadalupe Archdiocesan Shrine, bininyagan ni Cebu Archbishop Jose Palma kasama ang iba pang mga obispo ang 100 sanggol.


Sa kanyang homily, inihayag ni Archbishop Palma na isang espesyal na araw ang pagbinyag ng mga sanggol dahil sa kapistahan ng Divine Mercy sa pangalawang linggo ng Pasko sa Pagkabuhay, at ang pagsisimula ng triduum para sa ika-500 taong paggunita sa kauna-unahang binyag na naganap sa bansa.


Ayon kay Palma, sa araw na ito ay dumaloy ang biyaya ng Diyos na sang-ayon sa kaniyang paghahayag kay St. Sr. Faustina na kaniyang buksan ang pinto ng mga biyaya.


Pinapaalala rin ng obispo sa mga magulang ng mga sanggol ang pagpapahalaga sa bagong buhay ng kanilang mga anak bilang mga bagong Kristiyano, na silay maging banal at mga mabubuting mamamayan.


Tinatayang may 300 hanggang 500 tao ang dumalo sa binyagan, kasama na ang mga sanggol, mga magulang, ninong at ninang, at iba pa.


Ayon kay Rev. Fr. Jonathan Rubin, Chair ng 500 YOC, Broadcast and Media Accreditation, may pahintulot ito ng Inter-Agency Task Force at istrikto rin nilang pinatupad ang minimum health protocol.


- ulat ni Vilma Andales


https://news.abs-cbn.com/news/04/11/21/100-sanggol-sabay-sabay-na-bininyagan-sa-cebu-kasabay-ng-divine-mercy-sunday

No comments:

Post a Comment