Pinabibilisan ng ilan ang pagpapabakuna kontra coronavirus disease (COVID-19) matapos lumabas sa datos ng Department of Health na 11 porsiyento pa lang ng health workers ang nababakunahan.
Hinikayat ni Sen. Panfilo Lacson na bilisan ang pagro-roll out ng mga bakuna dahil kung pagbabasehan umano ang kasalukuyang usad ng pagbabakuna, baka taong 2033 pa maabot ang herd immunity mula sa pagbabakuna ng 70 milyong Pilipino.
"If we do not improve on this pace, and let’s all hope we will accelerate, we will finish vaccinating the 70 million target population to achieve herd immunity in 2033," ani Lacson sa isang pahayag.
Sa datos ng DOH, nasa 11 porsiyento pa lang ng mga health worker ang nabakunahan mula Miyerkoles. Katumbas ito ng nasa 114,615 eligible health workers.
Sa bilang, 101,827 ang naturukan ng Sinovac vaccines mula China, habang 12,788 ang naturukan ng bakuna na gawa ng AstraZeneca. Pinakamarami ang nabakunahan sa Metro Manila at Cordillera Administrative Region.
Matapos ang health workers, tuturukan na rin ng bakuna ang ibang priority sector tulad ng senior citizens, mahihirap, at economic frontliners.
Pero ang ilan, naiinip na.
"Tayong mahirap diyan. Dapat nga mas maaga sana 'yan. Sa ibang bansa vaccine na, sa atin face shield pa lang," ayon sa isang tricycle driver.
"Hindi ka makalabas. Hindi ka makapagtrabaho. Sa gallery, hindi na pinapasok," pahayag naman ng senior citizen na si Virgilio Prontes.
Aminado naman si Health Secretary Francisco Duque III na hindi inaasahan ang pagbagal ng pagbabakuna. Pero ngayon aniya ay bumibilis na ito.
"The first week, I will admit, the vaccination rate was not as quick as we wanted it, but for obvious reasons. Siyempre nag-uumpisa pa lang," ani Duque.
Kinausap na rin ng DOH ang implementing units na maglaan ng mas malaking lugar para sa post-vaccination monitoring.
Sinabi rin ni Duque na ang pagbabakuna ay umaabot ng 20,000 kadao kada araw.
Pero may ilang LGU, gaya ng Maynila, na tumatagal ang usad ng vaccination drive dahil sa paghihintay ng doses ng bakuna mula sa gobyerno.
Sa ngayon, nasa 1.1 milyong COVID-19 vaccines mula sa kailangang 3.4 milyong doses para sa lahat ng health workers ang dumating sa bansa.
Inaasahan namang mapipirmahan ang supply agreement para sa 30 milyong doses ng Novavax COVID-19 vaccine sa pagbalik ni Galvez mula India.
Darating naman sa Marso ang 1 milyong dose ng bakuna ng Sinovac at dagdag na bakuna ng AstraZeneca.
Inaprubahan na rin ng Asian Development Bank ang kabuuang $900 milyon na utang sa pagbili ng Pilipinas ng mga bakuna kontra COVID-19.
— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/03/12/21/usad-ng-pag-roll-out-ng-bakuna-kontra-covid-19-pinabibilisan
No comments:
Post a Comment