Monday, March 8, 2021

BFP modernization bill, pasado na sa Senado

Aprubado na sa huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na magsusulong sa modernisasyon ng Bureau of Fire Protection. 


Dalawampu't tatlong senador ang sumang-ayon na ipasa ang Senate Bill No. 1832 o ang Bureau of Fire Protection Modernization Act na ipinanukala ni Senador Ronald Dela Rosa.


Ayon kay Dela Rosa, napapanahon ang pagpasa sa panukala dahil ipinagdiriwang ngayong Marso ang Fire Prevention Month.


Sa modernisasyon ng BFP, mas magagampanan umano ng mga bumbero ang tungkulin sa publiko. 


Sa ilalim kasi ng panukala, pagkakalooban ang BFP ng mga modernong kagamitan, karagdagang tauhan, at mga kinakailangang training o pagsasanay.


Magiging daan din umano ang pagpasa sa panukala upang magkaroon ng kani-kaniyang firetruck at fire station ang bawat bayan sa bansa. 


Sa tala ng BFP, sa 146 na lungsod at 1,488 na munisipalidad sa Pilipinas, tanging 1,368 lamang ang may sariling fire truck at fire station. 


Iminungkani naman nina Senador Joel Villanueva at Pia Cayetano ang paggamit sa health human resources ng bansa tulad ng mga sumailalim na sa apat na taong pag-aaral ng nursing, sa emergency medical services na isa sa mga probisyon sa panukala.


https://news.abs-cbn.com/news/03/08/21/bfp-modernization-bill-pasado-na-sa-senado

No comments:

Post a Comment