Hindi mangangailangan ng malaking pondo ang pagbuo ng Department of Overseas Filipinos (DOFIL), sabi ngayong Lunes ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Sa pagdinig sa Senado, ipinaliwanag ni Nograles na pag-iisahin lamang sa isang kagawaran ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa overseas Filipino workers (OFW).
Magiging attached agency naman umano nito ang Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration.
Magkakaroon umano ito ng regional offices at magtatayo ng overseas Filipinos malasakit centers.
Magkakaroon din ng 'assistance to nationals' fund, at may congressional oversight committee na buuuin ng 6 na senador at 6 na kongresista.
Iginiit ni Nograles na ang DOFIL ay magiging dedicated agency para sa pangangailangan at proteksiyon ng mga OFW.
"Wala po tayong single agency kung saan ina-adress po ang lahat ng concerns ng ating mga kababayang overseas Filipinos," ani Nograles.
"This COVID-19 pandemic opened up our eyes na kailangan ma-meet up natin ang challenges na ito. So this new department seeks to streamline and directly manage all concerns of Filipinos overseas plus their families, plus their dependents," dagdag ng kalihim.
Pero ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, tila paghikayat ang DOFIL sa mga Pinoy na magtrabaho abroad, taliwas sa sinasabi ng gobyerno na gusto nilang sa bansa magtrabaho ang mga Pinoy.
Ayon kay Nograles, may 5 taon na mandatory review ang panukala at ang long-term agenda pa rin ng gobyerno ay bumalik sa bansa ang mga OFW.
Inirekomenda naman ni Sen. Imee Marcos na sa halip na magtatag ng bagong department, mas makabubuti kung maglalabas na lang ng executive order na magpapalawak sa poder ng POEA.
Pero ayon kay Nograles, iba kapag Cabinet level ang namumuno dahil direkta itong nakakapag-report sa pangulo.
Gusto ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na madaliin na ang pagdinig sa panukalang DOFIL para maipasa ang panukala.
Pakikinabangan kasi aniya ng milyong-milyong OFW ang pagtatag ng kagawaran.
Sang-ayon dito si Sen. Christopher "Bong" Go, na isa sa mga nagsusulong ng panukala.
"Kung ang ating mga ahensiay ay hiwa-hiwalay at may kaniya-kaniyang mandate, ang nahihirapan po ay overseas Filipinos. Kadalasan hindi nila alam saan sila pupunta, pinagpapasa-pasahan sila," ani Go.
Nilinaw naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa pagdinig na walang deployment ban sa mga OFW.
Ang umiiral lang aniya ngayon ay deployment cap para sa medical workers na 5,000 kada taon.
Sa ngayon, nakikipag-negosasyon ang Department of Labor and Employment sa United Kingdom dahil nag-request ang huli na ma-exempt sa deployment cap, ani Bello.
-- Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment