(UPDATE) – Dati-rati ay maraming nakikilahok sa anibersaryo ng 1986 People Power Revolution.
Pero sa paglipas ng mga taon at ngayon, dahil na rin sa pandemya, payak ang pagdiriwang sa paggunita ng EDSA Revolution, na nagpalaya sa mga Pilipino sa ilang dekada ng diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Wala rin ang mga kilalang personalidad sa likod ng makasaysayang pangyayari sa seremonyang idinaos nitong Huwebes sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.
Pero naroon si Antonio Mendoza, na nanggaling pa sa Binangonan, Rizal.
"Para pong nilimot na nila ang ating tagumpay na tayo’y makalaya sa pagkakagapos noon pong panahon po ng mga Marcos," ani Mendoza.
Wala rin ang tradisyunal na salubong sa EDSA.
Nag-alay na lang ng bulaklak ang mga opisyal ng gobyerno sa People Power Monument, sabay ng pagkanta ng mga awiting sumikat noon.
Ayon kay EDSA People Power Commission Chairman Rene Escalante, isa sa mga dahilan kung bakit mas naging payak ang pagdiriwang ngayon taon ay ang pandemya.
"Alam natin na restricted pa ang social gatherings, at isaalang-alang natin na ang mga key players ng EDSA ay may edad na at ipinagbabawal nang lumabas," ani Escalante.
Para naman kay dating Pangulong Fidel Ramos, isang haligi ng EDSA, hamon ngayon sa lahat na panatilihin ang pagiging makabayan at ipagpatuloy ang diwa ng People Power Revolution.
Hindi pa tapos ang rebolusyon at marami pang dapat gawin hanggang sa tuluyang matamasa ng bawat Pinoy ang tunay na kalayaan, ani Ramos.
Sa mensahe naman ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi niyang nawa'y magsilbing paalala ang EDSA sa pagtatanggol at pagpo-protekta ng demokrasya at karapatan ng bawat Pilipino.
Sumentro naman ang mensahe ni Vice President Leni Robredo sa pagkakaisa sa gitna ng umiiral na pandemya.
Cultural event ng mga kabataan
Samantala, nagtipon-tipon naman ang mga grupo ng mga kabataan sa University of the Philippines-Diliman para sa isang cultural event kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng People Power Revolution.
Nag-alay ang mga kabataan ng mga kanta, tula at talumpati.
Ayon kay Precy Dagooc, spokesperson ng Youth for Nationalism and Democracy, pagsasabuhay nila ito sa student activism at malayang pag-iisip, na isa sa mga itinuro sa kabatan ng EDSA Revolution.
Aminado si Dagooc, hindi lahat ng kabataan sa bagong henerasyon ay nauunawaan ang diwa ng EDSA People Power kaya nagsisikap ang kanilang grupo na maipaliwanag ito.
"Challenge din po talaga kung paano natin ipapahatid ang katotohanan sa mga kabataan sa mga panahon ngayon na ang social media ay nandiyan na rin ang access sa information pero nand'yan na rin ang access sa misinformation," aniya.
Magsasagawa rin ang grupo ng online cultural event.
– May ulat nina Johnson Manabat at Arra Perez, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment