MANTICAO, Misamis Oriental - Hindi na pumalag ang mga residente ng barangay Pagawan ng kunin ng taga Department of Agriculture (DA) ang kanilang mga alagang baboy upang i-depopulate o patayin matapos makumpirmang African swine flu (ASF) ang ikinamatay ng ilang baboy sa lugar noong ika-3 ng Pebrero, 2021.
Umabot ng 568 na mga baboy ang pinatay at inilibing ng DA. Mga backyard hograisers ang may-ari ng mga baboy.
Binayaran ang mga may-ari ng P7,000 ng DA sa bawat baboy na kanilang isinuko pero ayon sa hograiser na si Divina Wapin, malaking kawalan din ito sa kanila.
May paglalaanan na raw kasi sana siya sa kikitain niya sa baboy.
“Pantubos ko sana yun sa isinanla naming lupa,” aniya.
Mapipilitan siyang magbenta na lang ng baka at maghanap ng maidadagdag sa pambayad lalo’t ipinagbabawal pa muna silang mag-alaga ulit ng baboy. Titiyakin daw kasi munang wala na ang virus.
Posibleng aabutin ito ng kalahating taon. Nangako naman ang probinsyal na pamahalaan na tutulong sa apektadong hog raisers na magkaroon ng ibang pagkakakitaan.
Dinisinfect ang pinaglibingan ng mga baboy at ang mga lugar na may namatay na baboy.
Dinisinfect din lahat ng papasok at lalabas sa barangay.
Ayon naman sa mga nagbebenta ng karneng baboy sa lugar, wala na halos bumibili sa kanila dahil sa takot sa sakit at dahil sa pagmahal ng presyo ng karne. Sa farms na raw kasi sila bumibili ng baboy na mas mahal kaysa backyard hograisers.
Sa susunod na linggo, isasagawa ang blood sampling ng baboy sa ibang mga barangay upang alamin kung hindi kumalat ang sakit.
- ulat ni Roxanne Arevalo
No comments:
Post a Comment