PUERTO PRINCESA, Palawan, Dis. 1 (PIA) -- Ipinapanukala ngayon ng Commission on Election (COMELEC) provincial office na sa Marso 13, 2021 isagawa ang plebisito para sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya.
Gayunpaman, ayon kay Shiela Guno, itinalagang lider ng plebiscite team kinakailangan pang aprubahan ito ng Comelec en banc, kung kaya dadaan pa sa proseso ang magiging pinal na petsa.
Aniya, nagpapatuloy pa sa kasalukuyan ang pagbuo ng opisyal na guidelines para sa gagawing plebisito, subalit patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan ng Palawan kaugnay sa mga ipatutupad na panuntunang pangkalusugan sakaling matuloy na ito.
Ang plebesito ay naunang naitakda nitong Mayo 2020 subalit hindi natuloy dahil sa pagkakaroon ng pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nitong Oktubre, inanunsiyo ng Inter Agency Task Force (IATF) Against COVID-19 na sa taong 2021 na magaganap ang plebisito.
Sinabi rin ni Guno na plano nilang idaos ng isang araw lamang ang botohan sa halip na dalawang araw na siyang pinahihintulutan ng IATF. (LBD/PIAMIMAROPA)
No comments:
Post a Comment