State of The Nation ni Jessica Soho at Tonight With Arnold Clavio, mawawala na sa GMA News TV
by Jojo Gabinete
Dalawa sa award-winning programs ng GMA News TV ang hindi na mapapanood sa telebisyon—ang State of the Nation ni Jessica Soho at ang Tonight With Arnold Clavio.
Ang State of The Nation ay dating nightly newscast, habang ang Tonight With Arnold Clavio ay ipinapalabas tuwing Wednesday night.
May kinalaman sa coronavirus pandemic ang desisyon ng GMA News TV management na magsara ng mga programang anim na buwan nang hindi natutunghayan sa telebisyon.
Noong March 18, 2020 ang huling telecast ng State of the Nation dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na idineklara ni President Rodrigo Duterte.
Suspended indefinitely noon ang news program ni Jessica, na umani ng mga parangal dahil sa kakaibang paraan ng pagbabalita at pagtalakay sa mga isyu.
Nanalo itong Outstanding News Program sa ENPRESS Golden Screen TV Awards noong 2013 at 2014, at Best News Program sa PMPC Star Awards for Television noong 2014 at 2015.
Itinanghal namang Best Female News Presenter si Jessica sa PMPC Star Awards for Television noong 2014 at 2015.
Unang umere ang State of the Nation noong February 28, 2011.
Sa kabilang banda, ang celebrity-oriented talk show na Tonight With Arnold Clavio ay unang napanood sa QTV 11 noong April 5, 2010.
Pagkatapos ay inilunsad din ito sa GMA News TV noong February 28, 2011.
Nanalo ito ng mga parangal, tulad ng Best Talk Show mula sa Catholic Mass Media Awards noong 2012.
Nagwagi rin si Arnold na Outstanding Celebrity Talk Program Host sa 8th Enpress Golden Screen TV Awards noong 2011.
Ikinalungkot ng staff ng State of the Nation ang pagkawala nito, pero umaasa silang magbabalik ang programa ni Jessica.
Ayon sa isang staff member, sinabi sa kanilang pansamantala lamang mawawala ang State of the Nation at malaki ang posibilidad na ibalik ito kapag normal na ang sitwasyon.
Ikinalungkot ng staff member ang nangyari, pero hindi raw siya nawalan ng trabaho dahil may mga programa pa siya sa Kapuso network.
Para sa mga hindi nakakaalam, mga empleyado rin ng News & Public Affairs ng GMA-7 ang karamihan sa production staff ng mga programa ng GMA News TV.
Priority namang mabigyan ng trabaho ang mga contractual talent ng GMA News TV na walang programa sa GMA 7.
Walang ipinagkaiba ang sitwasyon ng mga programa ng GMA News TV sa mga show ng GMA-7 na matagal nang hindi napapanood dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito ang dahilan kaya limang buwan nang puro mga throwback episodes ng Encantadia, Kambal Karibal, at iba pa ang ipinalalabas ng Kapuso Network.
Pero nag-umpisa na ang taping ng fresh episodes ng Descendants of the Sun, Pepito Manaloto, The Boobay and Tekla Show, Prima Donnas, Anak ni Waray vs Anak ni Biday, at iba pang mga shows dahil unti-unti nang ibinabalik ang regular programming ng GMA-7.
Nakatakdang maglabas ang GMA Network Inc. ng opisyal na pahayag tungkol sa desisyon ng management na isara ang mga programa ng GMA News TV na hindi na umeere mula pa noong March 2020.
No comments:
Post a Comment