Naniniwala ang ilang mambabatas na may pag-asa pang maipasa ang prangkisa ng ABS-CBN kung maiaakyat sa plenaryo ang isyu para mapagbotohan ng lahat ng kongresista.
Sa isang Zoom conference umaga ng Sabado, sinabi ng ilang mambabatas na kuwestiyonable ang naging ulat ng Technical Working Group na naging batayan sa pagpatay sa franchise application ng ABS-CBN, lalo’t wala namang napatuayang paglabag ang network sa lahat ng mga pagdinig.
Ayon kay Agusan Del Norte Congressman Lawrence Fortun, ang ginamit na terminong “laid on the table” ay nangangahuluhang hindi na aaksyunan ng komite ang isang panukala pero puwede itong remedyuhan sa plenaryo.
“Puwede siyang tanggalin sa committee, at plenaryo ang aaksyon sa kanya, in fact, no less than the Speaker said this can be done,” ani Fortun.
Paniwala naman ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza na kung matatalakay sa plenaryo, boboto ang mga mambabatas base sa kanilang konsensya at mabibigyan ng prangkisa ang network basta’t hindi makikialam at mananakot ang ibang lider sa Kamara.
“Malinaw itong sasabihin ko, huwag niyang pressurin, huwag niyang pilitin, huwag siyang gagamit ng mga elemento, nararamdaman ko, yung mga kasama natin may mga sentido kumon, pag pinabayaan ang tunay na conscience vote at plenary yan,” ani Atienza.
Giit naman ni ParaƱaque Rep. Joy Tambunting na malaki ang epekto sa ekonomiya ang pasasara ng ABS-CBN kaya dapat muling talakayin ng plenaryo ang isyu.
“Maraming negosyo ang nagsara, at yung mga natitira, nasan ang proteksyon namin? Eto nga malaking negosyo, eh paano naman kaming naghihikahos na ngayon?” ani Tambunting.
Dagdag pa ng mga mambabatas na bilang mga halal na opisyal ay dapat sinasalamin nila ang boses ng taumbayan lalo’t lumitaw sa survey na 3 sa 4 na Pilipino ang naniniwalang dapat mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Inilunsad na rin ng ilang volunteer ang people’s initiative na layong makalikom ng 7 milyong pirma para mabigyan ng prangkisa ang network.
Kaya giit ng mga kongresista, mistulang hindi na pinakikinggan ng mga mambabatas ang boses ng publiko.
“May legal na batayan naman ang ginagawa ng mga mamamayan, kasi kung feeling nila, di narinig ang boses nila, sa pamamagitan ng kanilang kinatawan sa Kongreso. Initiative ng tao talaga ang mananaig,” ani Alliance of Concerned Teachers Rep. France Castro.
Dagdag ni Fortun: “Kapag sila pa ang naghain ng people’s initiative, parang sampal naman satin to, parang sinasabi nila, na since you’re not doing your work, since you’re not my voice anymore, sinasabi nila, kami na ang gagawa nito.”
Umaasa silang matatalakay ang isyu ng prangkisa sa muling pagbubukas ng sesyon sa Lunes.
— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment