Inabot nang isang dosenang pagdinig ang Kamara para busisiin ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa na magbibigay-daan sa pagbabalik nito sa ere.
Sa Huwebes, nakatakda ang "summation" kung saan muling papasadahan ang lahat ng akusasyon laban sa ABS-CBN pati na rin ang sagot at depensa nila dito.
Sakaling matapos ito nang maaga, inaasahang pagbobotohan na kung bibigyan o hindi ng bagong prangkisa ang network.
Una nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na pairalin dapat ng mga mambabatas ang "conscience vote."
Kung ito ang mananaig, tiwala si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun na lulusot ang bagong prangkisa para sa ABS-CBN.
"Pag talagang totoo ito, I believe that a greater majority of the members of the committee will vote to approve the franchise," ani Fortun.
Tanging 46 na miyembro ng House legislative franchises committee ang puwedeng bumoto at 48 lider ng Kamara na ex-officio members.
Para pumasa sa committee level, kailangan ang majority vote o higit kalahati ng boto. Kung hindi sapat ang boto, mananatiling wala sa ere ang ABS-CBN dahil sa kawalan ng prangkisa.
Pero puwedeng iapela ang desisyon sa komite.
Sakaling lumusot sa komite, pag-iisahin ang mga panukala at isasalang sa plenaryo para pagdebatihan at amyendahan.
Dito, puwedeng paikliin, pahabain o ibasura ang hiling na 25 taong prangkisa. Puwede ring magpasok ng mga bagong kondisyon.
Sakaling pumasa ang franchise sa Kamara, diretso ito sa Senado para muling busisiin.
Kung magpasa ng ibang bersyon ang Senado, isasalang ang panukala sa bicameral conference committee para muling plantsahin.
Sa huli, na kay Pangulong Rodrigo Duterte kung pipirmahan ang franchise bill.
Kung uupuan, magiging batas ito makalipas ang 30 araw. Kung i-veto naman, puwede pa rin itong ipasa ng Kongreso sa pamamagitan ng 2/3 vote.
https://news.abs-cbn.com/news/07/08/20/alamin-proseso-ng-botohan-sa-kamara-para-sa-abs-cbn-franchise
No comments:
Post a Comment