Sisimulan nang dinggin sa Kamara sa Mayo 26 ang 13 panukalang para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN at ang resolusyong imbestigahan ang mga umano'y naging paglabag sa 1995 franchise ng kompanya.
Ito ay gagawin mahigit 2 buwan matapos ang inisyal na deliberasyon noong Marso 10.
Isasalang sa House Committee on Legislative Franchises ang mga isyung ikinahaharap ng dati at bagong prangkisa ng ABS-CBN.
Wala pang ibang detalye na binigay ang komite pero ayon sa agenda na inilatag ng kamara, via Zoom teleconference ang gagawing pagdinig.
Gabi ng Martes nang tiyakin ni House Speaker Alan Peter Cayetano na uumpisahan na sa susunod na linggo ang pagdinig, na hindi hihinto hanggang makapagsalita ang lahat ng panig.
“I foresee that the hearings would not go beyond July, and by August, after President Duterte’s SONA (State of the Nation Address), we should be ready to decide,” ani Cayetano.
Tantiya ni Cayetano, pinakamatagal na ang Agosto bago sila makapagdesisyon para sa prangkisa ng ABS-CBN, na napaso na noong Mayo 4.
Pinapaspasan naman ni House Minority Leader Bienvenido Abante ang deliberasyon alang-alang sa mga tao na walang ibang mapanood kung hindi ang ABS-CBN at mga empleyado na nanganganib ang kabuhayan sa tigil-ere ng network.
"Doon po sa Mindanao mga kaibigan ay walang masyadong network kung hindi ABS-CBN lamang... The lives and livelihood of 11,000 of our constituents hang in the balance sana po isipin natin ang kapakanan nila," ani Abante.
Umaasa si Abante na makukumbinse ng Kamara ang Korte Suprema na pabalikin sa ere ang ABS-CBN sa bisa ng temporary restraining order kontra sa National Telecommunications Commission - na nagbaba ng cease and desist order laban sa pag-ere ng ABS-CBN isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito.
"Ang Supreme Court ay umaasa na ang Kongreso po ay magsalita tungkol po sa pinag-uusapan ngayong ABS-CBN sana naman eh makumbinse ng ating leadership na ang SC ay kampihan ang ABS-CBN as a TRO is concerned para ito ay magpatuloy habang pinag-uusapan ang prangkisa," ani Abante.
Hinimok naman ni Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun ang buong Kamara na magkaroon ng isang paninindigan matapos pagkomentuhin ng Kamara sa petisyon ng ABS-CBN kontra cease and desist order ng NTC. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/05/20/20/pagdinig-sa-mga-panukala-para-sa-abs-cbn-franchise-sisimulan-sa-mayo-26
No comments:
Post a Comment