Isang araw bago ang pagharap ng mga opisyal ng ABS-CBN sa hearing ng Senate Committee on Public Services upang liwanagin ang mga isyu sa prangkisa ng kompanya, nagbigay-suporta naman ang ilang Pinoy na tumatangkilik sa network.
"Siyempre para marinig namin 'yung mga ano nila, kung sino ang mali doon... Ano ba ang ibig sabihin nila na tatanggalin [ang franchise], at bakit? Bakit isasara eh wala namang mali," ani Luz Castor, isang vendor.
Araw-araw libangan ni Castor ang panonood ng ABS-CBN shows.
Sa mahigit 20 taon niyang pagtitinda ng gulay, ito ang pumapawi ng kaniyang pagod.
Ang mga tricycle driver na nakausap ng ABS-CBN News, tututok din daw sa hearing sa Lunes.
"Siyempre bilang isang mamamayan kailangan natin malaman 'yung kontrata nila kung legal ba o illegal... Mahalaga ba na mayroong ABS-CBN? Oo naman para hindi lang isang channel ang napapanood namin," giit ni Christopher Pardo, tsuper.
"Babantayan ko 'yan kasi ano ko talaga 'yung channel 2 simula pagkabata," ayon naman kay Armando Rufo, tsuper din.
Sa kabila ng batikos, partikular na ni House Speaker Alan Peter Cayetano, nanindigan ang Senado na may kapangyarihan silang duminig ng malalaking isyu sa bansa.
"Paano natin malalaman ang katotohanan kung hindi makakapagsalita ang mga 'yun? Hindi ba mas maganda para malaman kung talaga bang may kasalanan o wala," ani Sen. Grace Poe, chair ng komiteng didinig sa isyu.
Higit 11 panukala para sa renewal ng ABS-CBN franchise ang nakatengga ngayon sa Kamara. —Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/02/23/20/ilang-pinoy-nakaabang-sa-senate-hearing-ukol-sa-prangkisa-ng-abs-cbn
No comments:
Post a Comment