Saturday, January 25, 2020

Ika-9 anibersaryo ng pagpaslang kay Dok Gerry Ortega, ginunita

PUERTO PRINCESA - Siyam na taon na mula nang paslangin sa isang ukay-ukay sa Puerto Princesa ang broadcaster at environmentalist na si Dok Gerry Ortega, patuloy pa rin na lumalaban ang asawa, mga anak, at mga kaibigan niya para makamit ang hustisya.

Nitong Biyernes, nag-alay ng panalangin ang pamilya para sa dating environmentalist. Ayon sa asawa ni Gerry na si Patty Ortega, nanalangin sila at patuloy na kumakapit para sa kapayapaan ng kaluluwa ng brodkaster.

Lalo rin silang nabuhayan ng loob dahil sa Maguindanao massacre na nabigyan din ng hustisya matapos ang sampung taon.

"Nabuhayan tayo nung nakikita natin kung anong nangyayari sa Maguindanao nung nagkaroon ng kahit papano ng liwanag, and 'yun pa rin ang pagdadasal natin ang justice, at the same time ang kaluluwa ng mga yumao," ani Patty.

Kaya humihiling din sila ng dasal at para suportahan pa rin ang kanilang laban.

"Tingin ko mas importante naman talaga yung prayers lang eh kasi nandun na siya eh, sa kabilang buhay, so, mas importante sa kaniya yung pagdadasal."

Enero 24, 2011 nang paslangin si Gerry. Si Mario Reyes at ang kanyang kapatid na si Joel Reyes na dating gobernador ng Palawan ang itinuturong mastermind sa krimen.

Nahuli ang gunman na si Marlon Recamata at ang nagsilbing look-out na si Dennis Aranas. Sumuko naman si Rodolfo "Bumar" Edra Jr na dating close-in aide ni dating Marinduque Governor Jose Carrion, na kaibigan naman nila Reyes.

Si Bumar din umano ang bumuo ng hit team at nagturo kay Reyes na mastermind. Sumuko din si Armando Noel na nagsilbi raw na recruiter, at si Arwin Arandia na unang kinontrata ni Bumara para patayin si Dok Gerry.

Sa loob ng 9 na taon, patuloy na gumulong ang kaso. Sinampahan ng kaso ng pamilya Ortega ang magkapatid na Reyes at iba pang itinuturong sangkot.

Dinismiss ng unang panel ng Department of Justice (DOJ) ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya. Kinuwestyon ng kampo ng mga Ortega ang findings ng unang DOJ panel kaya bumuo ng ikalawang panel ng DOJ para ituloy ang imbestigasyon sa kaso hanggang sa nakitaan ng probable cause para kasuhan ang mga Reyes.

Naglabas naman ng warrant of arrest ang RTC branch 52 laban sa mga Reyes pero nakalabas na sila ng bansa.

Pero Setyembre 2015 nang naaresto ang magkapatid sa Thailand at dinala pabalik ng Pilipinas.

Ikinulong si Joel sa Puerto Princesa City Jail habang nakapagpiyansa naman si Mario. Habang nasa kulungan ay hinatulang guilty din sa kasong graft and corrupt practices ang dating gobernador.

Enero 2018 nang pinalaya si Reyes matapos i-dismiss ng Court of Appeals (CA) ang kaso nito dahil wala raw mabigat na ebidensya laban sa kaniya maliban sa statement ni Bumar.

Pero makalipas ang ilang linggo mula nang lumaya, ipinaaresto ng Ombudsman si Reyes dahil naman sa maanomalyang renewal ng small-scale mining permit sa Palawan. Kusa namang sumuko ito.

Nobyembre 2019, binaliktad ng CA ang naunang desisyon nito na nagpalaya kay Reyes kaya ipinaaresto itong muli para ituloy ang pagdinig sa kaso kaugnay ng pagpatay kay dok Gerry.

Ngayong taon nakatakdang ituloy ang paglilitis sa kaso at inaasahan na sa pagkakataong ito ay makakamit na ang hustisya at mahahatulan na ang tunay na mastermind sa pagpatay kay Dok Gerry.

https://news.abs-cbn.com/news/01/24/20/ika-9-anibersaryo-ng-pagpaslang-kay-dok-gerry-ortega-ginunita

No comments:

Post a Comment