Thursday, September 12, 2019

ABS-CBN franchise renewal not yet calendared by House panel, says report

Hindi pa umano inaaksiyunan ng Committee on Legislative Franchises ng House of Representatives ang mga panukalang batas na inihain ng ilang mambabatas na naglalayong mapalawig ang prangkisa ng broadcast giant na ABS-CBN sa susunod na 25 taon.

Sa March 20, 2020 nakatakdang mapaso ang legislative franchise ng Kapamilya network.

Ibig sabihin, hindi na sila maaring mag-broadcast sa radyo man o telebisyon kapag hindi na-renew ang franchise nila.

Ayon sa ulat ng POLITIKO kahapon, September 11, ipinagpaliban ng komite na talakayin ang tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN, taliwas sa tatlong iba pang aplikante ng franchise renewal.

Ayon kay Committee on Legislative Franchises chairman, Palawan First District Congressman Franz “Chicoy” Alvarez, ang tatlong iba pang franchise applications ay naaprubahan na ng House panel kaya naisama ito sa agenda.

Nakapasa na rin daw ito sa pangatlong pagbasa noong 17th Congress.

Nakasaad sa Section 48 ng House Rules na pinapayagan nitong mas mabilis aksiyunan ang mga nauna nang panukalang batas na nakapasa sa ikatlong pagbasa sa lumipas na Kongreso.

Hindi raw nakasama sa kalendaryo o agenda ang tungkol sa ABS-CBN franchise renewal kaya hindi pa ito naaaksiyunan ng komite.

Wala raw naka-schedule na hearing ang Committee on Legislative Franchises ngayong 18th Congress dahil abala pa ang mga kongresista sa pagtalakay sa 2020 National Budget.

May halos pitong buwan na lamang mula ngayon upang ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN at makapagpatuloy ito sa pagsasahimpapawid ng kanilang mga programa sa radyo at telebisyon.

MORE LAWMAKERS FILE BILLS TO RENEW ABS-CBN FRANCHISE

Umabot na sa limang panukalang batas ang inihain ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong mapalawig ang broadcast franchise ng ABS-CBN.

Una na rito ay ang House Bill 676 na inihain ni Nueva Ecija Second District Representative Micaela Violago, na inihain niya sa Committee on Legislative Franchises noong July 24, 2019.

Sumunod dito sina House Deputy Speaker at Pangasinan Third District Representative Rose Marie “Baby” Arenas (House Bill 3521) at ParaƱaque Second District Congresswoman Myra Joy Tambunting (House Bill 3713).

Bukod sa kanila, naghain na rin si Batangas 6th District Representative and Deputy Speaker Vilma Santos ng HB 4305 na nagnanais ding mapalawig sa susunod na 25 taon ang prangkisa ng ABS-CBN kapag nag-expire na ito sa March 2020.

Ang dating ABS-CBN reporter at ngayon ay Laguna Third District Representative na si Sol Aragones ay naghain ng House Bill 3947, na humihikayat din sa Kongreso na mapalawig ang broadcast franchise ng istasyon.

Sa Senado naman, ang asawa ni Representative Santos-Recto na si Senator Ralph Recto ay naghain ng Senate Bill 981, na may kahalintulad ding layunin sa mga naisumiteng panukala sa Lower Congress.

Bahagi sa nakasaad sa inihaing panukalang batas ni Senator Recto, “ABS-CBN has remained steadfast in its commitment to reach out to as many Filipinos as possible by delivering their quality core programs closer to our countrymen by taking advantage of emerging broadcast technologies.”

THE FRANCHISE RENEWAL SAGA

Natapos ang 17th Congress noong June 11, 2019 nang hindi natalakay ang House Bill 4349 na inihain ni Nueva Ecija Second District Representative Violago dahil ayaw raw aksiyunan ng komite ang panukalang batas hanggang hindi maayos ang gusot sa pagitan ng ABS-CBN at ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na hayagang sinabi ng Pangulo sa ilan sa kanyang mga talumpati na haharangin niya ang franchise renewal ng network dahil ginantso raw siya nito noong 2016 presidential elections.

Hindi raw kasi inere ng istasyon ang kanyang political ad kahit bayad na ito.

Ngunit, noong December 2017, nabanggit ng Pangulo na maaari siyang makipagkompromiso sa Kapamilya Network kapag tutulong ito sa kanyang kampanya na mabago ang uri ng gobyerno mula Presidential patungo sa pagiging Pederalismo.

Pero nitong nakaraang taon, muling inulit ni Duterte ang kanyang banta laban sa Kapamilya network.

Ang rival network ng ABS-CBN na GMA Network ay noon pang April 2017 naaprubahan ang franchise renewal na tatagal sa susunod na 25 taon.

https://www.pep.ph/news/local/146025/abs-cbn-franchise-renewal-house-panel-a718-20190912

No comments:

Post a Comment