Tuesday, May 16, 2017

GOODBYE, PILA SA MRT!

Hanggang Disyembre na lamang ng taong ito ang pagdurusa ng mga mananakay ng Metro Rail Transit (MRT)-3 dahil bago matapos ang 2017 ay parte na lang ng kasaysayan ang pangit na karanasan ng publiko sa e-train system na ito.

Ito ang tiniyak ni Engineer Deo Manalo, director for operations of MRT 3, sa pagsisi­mula ng imbestigasyon ng Senate committee on public services hinggil sa kontratang pinasok ng MRT sa maintenance provider at sa biniling 48 bagon mula sa China.

“…ngayon po, Sir, may pila sa peak hours but during off peak, wala na pong pila. But end of the year, Sir, sigurado pong mawawala na ‘yung pila,” sagot ni Manalo sa tanong ni Senate minority leader Franklin Drilon.

Binanggit ni Manalo sa komiteng pinamumunuan ni Sen. Grace Poe na sa 23 tren na tumatakbo ngayon, nakakapagsakay ito ng higit kumulang sa 500,000 bawat araw subalit dahil sa mga nabiling karagdagang Light Rail Vehicles (LRVs) o mga bagon, aakyat ang kapasidad sa 700,000 pasahero bawat araw.

Pero may duda pa rin si Poe dahil hanggang ngayon ay tine-test pa ang mga biniling LRVs sa Dalian Locomotive and Rolling Stock ng China kung saan sinasabing hindi umano compatible ang mga ito sa nabiling signaling system.

“So right now, these are all up in the air and are wish list because for now, we still have the signaling system to test to make sure there’s no feedback,” katwiran ni Poe.

Nanindigan naman si Manalo sa kanyang pahayag na mababawasan na ang pila dahil sa inaasa­han nang magagamit ang nabiling tren sa China. “Mababawasan po ang pila,” diin ni Manalo.

Kahapon ay dalawang beses na nagkaroon ng aberya ang MRT-3 kung saan napilitan na magbaba ng mga pasahero sa South bound ng Guadalupe Station dakong alas-7:16 ng umaga dahil sa problemang teknikal.

Ganito rin ang dahilan kaya’t nagbaba ng mga pasahero sa Northbound ng Santolan Station dakong ala-1:59 ng hapon.

No comments:

Post a Comment