Thursday, March 6, 2014

TV Patrol celebrates 27th year; PNoy delivers "prangka" speech

Masaya at makulay ang naging selebrasyon ng ika-27 anibersaryo ng TV Patrol noong Linggo, ika-2 ng Marso, sa Fiesta Pavilion ng Manila Hotel.

Nagmistulang "grand reunion" din ito dahil maging ang mga dating anchors at reporters ng primetime news program ng ABS-CBN ay nagsidatingan.

Kapansin-pansin na wala si Mel Tiangco, isa sa orihinal na anchors ng nasabing news program at ngayon ay anchor ng 24 Oras, ang katapat na news program sa GMA Network.

Subalit isang Kapamilya ang nagbanggit sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na dumalo raw ang veteran female newscaster sa pagtitipon na naganap bago ang malaking selebrasyon.

GABBY LOPEZ. Sa pamamagitan ng ilang video presentations, binalikang-tanaw ang lahat ng malalaking balita, ang pagpapalit-palit ng administrasyon, maging ang mga sakuna na naranasan ng mga Pilipino.

Ipinakita rin ang hirap ng mga mamahayag, na hindi alintana ang panganib, bagyo, lindol, o pagputok ng bulkan, makapaghatid lamang ng balita.

Bilang pagkilala rito, sa mensahe ni Gabby Lopez, chairman ng ABS-CBN, sinabi nitong: "Ang gawain ng TV Patrol ay gawain ng mga bayani."

Sinabi rin nito na ang programa ay nagsisilbing "salamin ng bayan."

PNOY'S "PRANGKA" SPEECH. Inayunan ito ni Pangulong Noynoy Aquino, ang panauhing pandangal, sa unang bahagi ng kanyang mensahe.

Aniya, "Sa loob ng dalawampu’t limang taon, kinilala ang TV Patrol sa tapang at sigasig ng paghahatid ng impormasyon sa mamamayang Pilipino.

"Sa tuwing may sakuna, naroon kayo upang magbigay ng kaalaman kung paano umiwas sa peligro at disgrasya.

"Sa tuwing may agam-agam ang publiko ukol sa isyu, kayo ang takbuhan para sa tapat na pag-uulat.

"Kaya naman, sa lahat ng bumubuo ng inyong programa, mula noon hanggang ngayon, sa harap man o sa likod ng kamera: talaga namang pong isang mainit na pagbati sa inyong ikadalawampu’t limang anibersaryo."




NOLI DE CASTRO. Ang ikinagulat ng audience ay ang prangkang pasintabi ng Pangulo, sa gitnang bahagi ng kanyang mensahe, matapos niyang banggitin ang ilang datos na nasabi rin sa kanyang pangatlong State of the Nation Address ng July 22.

Ang pahayag ni PNoy: "Huwag po sana ninyong mamasamain, tutal kaharap ko na po kayo ngayon, at one night lang naman sa 365 days ng isang taon ko kayo makakausap. Tingnan po natin ang paghahayag ng inyong institusyon."

Pagkatapos nito ay nagkuwento siya tungkol sa tatlong insidente, kung saan nagbigay ng komento ang isa sa mga anchors ng TV Patrol.

Malumanay ang tono ng Pangulo, subalit may laman ang kanyang pasaring.

Ang una ay tungkol sa ulat ng isang reporter sa "dalawampung porsiyento" na pagtaas ng "passenger arrivals" sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa pagpapatuloy ng Pangulo: "Sa kabila nito, nakuha pa pong humirit ng isang anchor niyo, at ang sabi po niya, and I quote, 'Nasa NAIA 3 ka kasi; kung nasa NAIA 1 ka, doon malala.'
"Sa loob-loob ko po, anong kinalaman ng ibinabalita sa NAIA 3 sa NAIA 1? May nagsabi po bang ayos na ayos na ang NAIA 1? Kung mayroon man ho, hindi kami.
"Nakaligtaan niya 'atang mahigit tatlumpung anyos na ang istrukturang ito.
"Napapaisip nga po ako: yung nagkomento nito, hindi ba’t anim na taon ding tumangan sa renda ng gobyerno?
"Sabihin na po nating minana lang din nila ang problema. ‘Di hamak, mas luma naman ang ipinamana nilang problema sa amin.
"Anim na taon ang ipinagkaloob sa kanya para tumulong sa pagsasaayos ng mismong inirereklamo niya.
"Pero ngayon, tayo na nga ang may bitbit na problema, tayo na nga ang tutugon dito, pero, masakit nga ho, may gana pa tayong hiritan ng nagpamana?"
Ang pangalawang insidente raw ay tungkol sa pag-"recover" ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang "banyagang bata na nakidnap."
Ayon sa Pangulo, masaya ang mga magulang at awtoridad sa nangyari, subalit, "Mukhang ang hindi lang masaya, ito nga pong anchor natin, na nagawa pa uling humirit na baka raw na-set-up lang raw ang rescue operation, at binayaran lang talaga ang ransom."
Dugtong ni PNoy: "Kahit anong pilit ng reporter na malinaw ang operasyon, nag-surveillance ang mga taga-NBI, at talagang natiyempuhan nilang walang nakabantay sa bata, pilit pa rin po nang pilit ang anchor."
Ang pangatlong balita ay tungkol sa pagtaas-baba ng pamasahe.
Sa rekoleksiyon ni PNoy, "Ibinalita po ito ng field reporter ninyo. Good news po talaga: ang resonableng mungkahi, napagbigyan; ang pamahalaan, grupo ng tsuper, nagtulungan.
"Panalo ang sambayanan.
"Ang problema, nagawa pa rin itong sundutan ng komentaryo. Matapos i-report, ang pambungad na tanong ng inyong anchor: Ano raw ba ang angal ng mga grupo sa akin po.
"Ang reaksiyon ko, 'Saan naman nanggaling yun?'"
Hindi pinangalanan ng Pangulo kung sino ang kanyang tinutukoy, pero iisang tao lang ang pumasok sa isip ng lahat ng nakinig: si Noli de Castro.
Si Noli ay kasalukuyang anchor ng TV Patrol at dating bise-presidente ng bansa, isang katungkulang hinawakan niya ng anim na taon. Nagsilbi siya sa administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo.
Sa bahaging ito ng mensahe, nagbigay na rin naman ng clue ang Pangulo sa kung sino ang pinapasaringan niya:
"May naitutulong po ba ang mga walang-basehang spekulasyon, lalo na kung lumalabas ka sa telebisyon at sinusubaybayan ng sambayanan?
"Kung nagbabangkaan lang tayo sa kanto, hindi problema ang mga walang-basehang patutsada.
"Pero kung alam mong opinionmaker ka, alam mo rin dapat na mayroon kang responsibilidad, sana po, sa tuwing sasabihin nating, and I quote, 'Magandang gabi, bayan!,' ay totoong hinahangad nating maging maganda ang gabi ng bayan."
Kilala si Noli de Castro sa kanyang halos gabi-gabing pambating "Magandang gabi, bayan!"
Natahimik ang halos lahat ng tao sa talumpati ng Presidente na inilarawan din niyang "prangka."
REACTIONS. Pagkatapos nitong magsalita, may iba't ibang reaksiyon ang mga bisita ng 27th anniversary ng TV Patrol.
Isa sa mga narinig ng writer na ito ay: "Mukhang wrong timing at wrong venue ang speech."
May nagsabi ring: "May point siya pero sana sa ibang okasyon na lang naging prangka ang Pangulo."
Ngunit may mga bumulong din ng: "It's about time."
Noong tawagin si Noli bilang isa sa main hosts, hindi ito kinakitaan ng anumang reaksiyon sa mga tinuran ng Pangulo.
Ngunit sa huling bahagi ng programa siya nagpahapyaw. Imbes na "simbolo ng ating karinyo brutal na pamamahala para sa TV Patrol," ang una niyang nasabi ay, "simbolo ng ating karinyo brutal na pamahalaan."
CELEBRATING 27 YEARS. Pagkaalis ng Pangulo, nagpatuloy ang programa sa pagbibigay-pugay sa lahat ng naging bahagi ng TV Patrol.

Pinasalamatan ang mga bumuo ng programa—Angelo Castro Jr. (yumao na), na unang prodyuser at direktor ng programa; Federico Garcia, na general manager ng network noon; Rolly V. Cruz (yumao na), na assistant general manager; Frankie Evangelista (yumao na), na nakilala ng buong bayan dahil sa segment niyang "Pulso."

Inalala rin si Ernie Baron, ang yumaong weather man ng programa.

Kinilala pa ang lahat ng mga tagapagbalita, maging ang mga nasa likod ng kamera at "unsung heroes."

Samantala, nagpamalas din ng galing sa pagkanta ang mga anchors at reporters na sina Henry Omaga-Diaz, Tony Velasquez, Marc Logan, at Doris Bigornia, kasama ng mga entertainers na sina Ethel Booba, Kitkat, Cacai Bautista, at Leo Martinez.

Sumayaw naman ng flamenco, isang uri ng sayaw mula sa EspaƱa, ang Star Patrollers na sina Phoemela Barranda, Marie Lozano, Gretchen Fullido, at Ginger Conejero, kasama ang anchor ng TV Patrol weekend edition na si Pinky Webb.

Marami rin ang naaliw sa song number ni Korina Sanchez.

Habang kinakanta nito ang "Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko" ay ipinakita ang mga larawan ng ilang brodkaster ng ABS-CBN noong sila'y mga bata pa at ngayong mas maedad na.

Tatlo ang version ng larawan ni Luchi Cruz-Valdes— ang una ay may logo ng GMA-7, kung saan siya unang nagtrabaho; pangalawa, sa ABS-CBN, kung saan nagtrabaho rin siya nang matagal; pangatlo, sa TV5, kung saan siya ang kasalukuyang tagapamahala ng News and Public Affairs.

Ang selebrasyon ay lalo pang nagningning dahil sa mga artistang umakyat din sa entablado: Jon Santos, Jed Madela, Vina Morales, Gloc9, Bituin Escalante, Basil Valdez, Dulce, Hajji Alejandro... Pepe Smith, Basti Artadi, Kevin Roy, Freddie Aguilar with Watawat Band, Erik Santos, Jovit Baldivino, Angeline Quinto, Marcelito Pomoy, Yeng Constantino, at Jet Pangan.

Sa audience area naman, namataan si Ai-Ai delas Alas at ang kanyang "babe" na si Jed Salang, ang magkapatid na Epy at Ronnie Quizon, si Baron Geisler na dumating kasabay si Brillante Mendoza at umalis kasama si Pilar Pilapil, ang dating "Star News" ladies na sina Angelique Lazo at Tintin Bersola.

Dumating din ang dating senador na sina Robert Jaworski at Richard Gordon, Senators Frank Drilon and Loren Legarda, ang mga kalihim na sina Mar Roxas, Greg Domingo, at Ricky Carandang, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, Bangko Sentral Governor Sy Tetangco, Mayor Joseph Estrada, Representative Sonny Angara, Commissioner Ruffy Biazon, at Commissioner Kim Henares, Bench endorsers na sina Kim Chiu, Enchong Dee, Teng Brothers na sina Jeric at Jeron at Joseph Marco.

Natapos ang selebrasyon pasado alas-onse ng gabi, at karamihan sa mga nagsipagdalo ay naringgang nag-uusap tungkol sa kanila-kanilang assignments kinabukasan.

No comments:

Post a Comment