Saturday, January 20, 2007
2 shabu lab sinalakay: 3 timbog sa 20-kilong shabu
CAMP MIGUEL MALVAR, Batangas – Tatlong kalalakihan kabilang na ang dalawang Tsino ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulis-Batangas at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang raid sa magkahiwalay na shabu laboratory sa Barangay San Raphael, Sto. Tomas at Tanauan, Batangas.
Kinilala ni Supt. Raul Tacaca, hepe ng Sto. Tomas PNP, ang mga naarestong suspek na sina Hui Ching Chi Ngo, alyas Jun Co, 58; at Allan Ngo, 52, pansamantalang naninirahan sa #801 Union Square Condominium, 15th Avenue, Cubao, Quezon City.
Kasama ring naaresto si Joebert Vasquez, 32, ng Sto. Tomas, Batangas at itinuturong caretaker sa nasabing shabu laboratory.
Nadiskubre ang shabu lab matapos na umalingasaw ang masangsang na amoy sa nasabing lugar kaya napilitang ipagbigay-alam ng mga residente sa kinauukulan.
Agad na nagsagawa ng operation ang mga awtoridad hanggang sa maaresto ang mga suspek at makumpiska ang 20-kilo ng shabu (methamphetamine hydrochloride).
Ikinanta naman ni Vasquez, ang isa pang shabu laboratory sa may Zone 2, Barangay Balele, Tanauan, Batangas na agad namang ginawan ng search warrant ni Judge Arcadio Manicbas ng Tanauan Regional Trial Court-Branch 83.
Nasamsam sa sinalakay na shabu lab na nasa tatlong ektaryang lupain na pinaniniwalaang pag-aari ni Arlene Villena at siyam na Tsino ay ang drying at mixing machine.
Kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad si Villena na may alyas na Jonna Mendoza at 9 pang Tsino. (Arnell Ozaeta At Ed Amoroso)
https://www.philstar.com/probinsiya/2007/01/20/380891/2-shabu-lab-sinalakay-3-timbog-sa-20-kilong-shabu
No comments:
Post a Comment