Mag-inang binaril ng pulis sa Tarlac hinatid na sa huling hantungan

Inihatid na sa huling hantungan sa Paniqui, Tarlac nitong umaga ng Linggo ang labi ng mag-inang Sonia at Frank Gregorio, isang linggo matapos silang mapatay sa pamamaril ng kapitbahay na pulis.


Hindi inalintana ng mga kaibigan at tagesuporta ng pamilya ang ulan maging ang banta ng COVID-19 para sumama sa libing.


Katuwang naman ng Central Luzon police ang mga tauhan ng barangay sa bayan para matiyak na ligtas at maayos ang pagdaraos ng prusisyon para sa mag-ina.


Noong nakaraang Linggo, binaril ni Police Staff. Sgt. Jonel Nuezca ang mag-ina sa bahay ng mga Gregorio.


Nakakulong na siya ngayon at nahaharap sa kasong 2 counts of murder, at dismissal mula sa serbisyo.


Ayon sa kaanak na si Avelina San Jose, napatawad na ng pamilya si Nuezca para dapat pa rin itong managot.


"Ang ano namin magkaroon ng justice. Napatawad na po namin siya. Patawarin natin ang tao pero may justice, mayroon po tayong batas, managot po siya sa mata ng Diyos, managot siya sa mata ng tao," ani San Jose.


Nakuha pa ring magpasalamat ng pamilya sa pulisya.


"Hindi ako galit. Kinagagalitan ko lang po 'yong mga taliwas na ginagawa ng iba nating mga kababayan na PNP (Philippine National Police)," ani San Jose.



Muli namang iginiit ng Central Luzon police na hindi gawain ng buong organisasyon ng PNP ang nangyari.


"May talagang ilang bulok na kasali sa hanay ng PNP. Hindi dapat i-blame ang buong organisasyon ng PNP," ani Col. Narciso Domingo, deputy director for administration ng Central Luzon police.


Hinihintay pa sa ngayon ang utos ng korte para tuluyang mai-turn over ang kustodiya ni Nuezca sa Bureau of Jail Management and Penology.


Ayon sa PNP, 7 witness ang nakapagbigay ng sinumpaang salaysay habang patuloy din ang psychological assistance sa lahat ng mga nakakita ng krimen, kasama ang 8 menor de edad.


-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/12/27/20/mag-inang-binaril-ng-pulis-sa-tarlac-hinatid-na-sa-huling-hantungan